Bauan

Senior citizens na empleyado ng Bauan pinarangalan, kinilala

271 Views

BAUAN, Batangas-October 19, 2025 – Kaugnay sa pagdiriwang ng Senior Citizens Month, isang pagkilala ang isinagawa ni Mayor Wendah Katrina Rivera Dolor kasama din sina SB Members- Kons. Josephine D. Gimeno, Kons. Jesimiel Jake O. Garcia at Kons. Marjorie A. Adel para sa mga empleyado ng Pamahalaang Bayan na kabilang sa sektor ng senior citizen.

Sa isang simpleng programa na puno ng saya at pasasalamat, pinarangalan ang mga senior employees bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa paglilingkod-bayan.

Nagbigay ng isang masiglang bilang ang mga senior employees, na nagpatunay ng kanilang sigla at dedikasyon sa kabila ng kanilang edad at tumanggap din sila ng mga gift packs mula kay Mayor Wendah bilang simbolo ng pasasalamat sa kanilang hindi matatawarang serbisyo.

Tila isang eksena sa graduation ang naging tema ng programa, kung saan isa-isang tinawag at binigyan ng pagkilala ang mga senior citizen na kawani. Lubos ang pasasalamat ng mga tumanggap ng biyaya, at naipamalas ang pagkakaisa at respeto sa hanay ng mga kawani ng pamahalaan.

Ang ganitong pagkilala ay isang patunay ng pagpapahalaga sa mga senior citizen — na kahit sa kanilang pagtanda ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon at haligi ng serbisyo publiko.