Calendar
Source: DHSUD
Pagtayon ng tirahan para sa nalindol sa Davao Or. puspusan
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., puspusan na ang pagtatayo ng Bayanihan Village sa Davao Oriental upang magbigay ng mas ligtas at komportableng pansamantalang tirahan sa mga pamilyang nawalan ng bahay dulot ng kamakailang lindol.
Ayon kay Kalihim Jose Ramon Aliling ng Kagawaran ng Paninirahan at Pagpapaunlad ng Kalunsuran (DHSUD), kasalukuyan nang ini-install ang mga modular na bahay sa lugar na itinakda ng lokal na pamahalaan sa Barrio Poblacion, bayan ng Tarragona.
“Hangad po ni Pangulong Marcos Jr. ang mabigyan ng mas ligtas at komportableng masisilungan ang mga Davaoeños na biktima ng lindol, kaya naman agaran ang aksyon ng DHSUD, kaagapay ang iba pang ahensya ng gobyerno, sa pagtatayo ng Bayanihan Village sa bayan ng Tarragona,” ani Kalihim Aliling.
“Asahan po ninyo na sa mga susunod na araw ay maitatayo na natin ang mga modular houses upang mapakinabangan na ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Sinimulan ang pagtatayo ng Bayanihan Village sa Barrio Poblacion matapos bumisita si Pangulong Marcos Jr., kasama si Kalihim Aliling at iba pang miyembro ng Gabinete, sa Tarragona at mga kalapit na bayan na naapektuhan ng lindol noong Oktubre 13. Inatasan ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magbigay ng kinakailangang tulong sa mga Davaoeños.
Agad namang nagsimula ang DHSUD-Regional Office 11 (RO11), sa pamumuno ni OIC-Director Naiza De los Santos, sa pag-install ng mga modular shelters para sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol na may lakas na magnitude 7.4 na yumanig sa Davao Oriental noong Oktubre 10.
Ang Bayanihan Village ay itinatayo sa pakikipagtulungan ng DPWH, DSWD, DILG, Office of the Civil Defense, at ng lokal na pamahalaan ng Tarragona, isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng sakuna. Layunin nitong magbigay ng mas ligtas at komportableng pansamantalang tirahan sa mga pamilyang nawalan ng bahay, alinsunod sa utos ng Pangulo.
“Malinaw po ang direktiba ng Pangulo—ang ipaabot ang lahat ng pwedeng itulong sa ating mga kababayang Davaoeños sa lalong madaling panahon. Ambag po ng DHSUD ang mas ligtas, komportable at may dignidad na pansamantalang masisilungan,” ani Kalihim Aliling.

