Calendar
Source: PRO3
Eroplano bumagsak sa palayan sa Tarlac, 2 kabataan patay
CONCEPCION, Tarlac ― Dalawang kabataan ang nasawi matapos bumagsak ang isang two-seater ultralight aircraft sa isang palayan sa Barangay Panalicsican sa bayan ng Concepcion nitong Sabado.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ang mga nasawi na sina John Paul Olson, 19-anyos at residente ng Barangay Duquit, Mabalacat City, at ang kanyang pasahero na 18-anyos na babae mula sa Macabebe, Pampanga.
Batay sa paunang ulat ng Tarlac Police Provincial Office, natuklasan ang pagbagsak ng eroplano bandang alas-11 ng umaga.
Ayon sa mga saksi, nakita nilang mababang-mababa ang lipad ng maliit na eroplano sa lugar bago ito biglang bumagsak sa palayan.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at dinala ang mga biktima sa Concepcion District Hospital, ngunit parehong idineklarang dead on arrival.
Nakikipag-ugnayan na ang mga imbestigador ng pulisya sa aviation authorities upang matukoy ang sanhi ng aksidente, kabilang ang posibilidad ng aberya sa makina o pagkawala ng kontrol sa eroplano.
Sinecure ng mga lokal na awtoridad ang lugar ng insidente habang hinihintay ang pagdating ng mga kinatawan mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa masusing imbestigasyon.
Samantala, ipinahinto ng CAAP, alinsunod sa direktiba ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, ang buong operasyon ng Woodland Airpark matapos ang pagbagsak ng ultralight aircraft sa Concepcion ng Oktubre 18 na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang indibidwal.
Ayon kay CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul Del Rosario, iniutos ni Lopez ang agarang pagsasagawa ng safety at operations audit upang masuri ang kalagayan ng mga sasakyang panghimpapawid at ang pagsunod ng operator sa mga itinakdang pamantayan sa kaligtasan ng aviation.
Batay sa Philippine Civil Aviation Regulations, ang mga ultralight aircraft ay kabilang sa kategoryang non-certificated type aircraft at pinahihintulutan lamang para sa layuning recreational.
Ang mga ganitong uri ng sasakyang panghimpapawid ay limitado sa operasyon sa loob ng itinalagang Flying Club Aerodrome, may takdang taas na hindi lalampas sa 800 talampakan, at kinakailangang isagawa sa ilalim ng Visual Flight Rules conditions.
Tiniyak ng CAAP na magsasagawa ng nararapat na aksyon laban sa sinumang indibidwal o organisasyong mapatunayang lumabag sa umiiral na batas at alituntunin sa kaligtasan ng aviation. Nina BERNARD GALANG & JUN I. LEGASPI

