Suansing1

Suansing: Tinapyas na P156M sa pondo ng OVP inilipat sa DOH

358 Views

IPINAHAYAG ni House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mika Suansing nitong Lunes na ang ₱156 milyon na tinapyas mula sa panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP) ay inilipat sa Department of Health (DOH), kasunod ng patuloy na hindi pagdalo ni VP Sara Duterte sa mga deliberasyon ng budget sa Kamara upang ipagtanggol ang alokasyon ng kanyang tanggapan.

Matapos bawasan ng ₱156 milyon mula sa panukalang ₱902-milyong budget ng Malacañang para sa OVP, naging ₱746 milyon na lamang ang pondo ng tanggapan ng Bise Presidente.

Ginawa ang pagbabawas sa budget ng OVP sa pagtitiyak na hindi maaapektuhan ang sahod at benepisyo ng mga empleyado ng OVP.

Sa isang press conference nitong Lunes, ipinaliwanag ni Suansing na ang naturang halaga ay ilalaan sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng DOH, upang mas maraming Pilipino ang matulungan sa ilalim ng ₱6.793-trilyong General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa noong nakaraang linggo.

Ayon kay Suansing, kinuha ang pondo mula sa panukalang alokasyon ng OVP para sa financial assistance at subsidy.

“Ang budget para sa financial assistance ay dapat inilalagak sa mga ahensyang tulad ng DSWD, DOH, o DOLE. Kaya ang ginawa natin, binatak natin ‘yun at lahat ng pondo ay napunta sa MAIFIP,” ani Suansing.

Nilinaw rin ni Suansing na hindi naapektuhan ng realignment ang pondo para sa dagdag-sahod ng mga empleyado ng OVP.

“Pangalawa pong kondisyon ko na kung makakaltasan man ang OVP, kailangan po ang matitirang pondo sa Office of the Vice President ay sapat para magampanan pa rin nila ang mandato ng opisina. At kahit nabawasan, tumaas pa rin ang kanilang supplies expense, rent expense, at operational expense,” dagdag niya.

Sa ilalim ng pambansang budget para sa 2025, tumanggap ng ₱733 milyong alokasyon ang OVP.

Si Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang nagmungkahing bawasan ang alokasyon ng OVP mula sa ₱902 milyon.

Kinondena ni De Lima ang paulit-ulit na hindi pagdalo ni Duterte sa deliberasyon sa Kamara hinggil sa panukalang budget ng kanyang opisina, na tinawag niyang “matinding insulto at kawalang-galang” sa Kongreso at sa Konstitusyon.

Sa plenary deliberations, nagtanong si De Lima sa pamamagitan ng parliamentary inquiry at humingi ng paglilinaw mula kay Palawan Rep. Pepito Alvarez, na siyang sponsor ng budget ng OVP.

“Tama ba ang narinig ko na walang kinatawan mula sa Office of the Vice President sa deliberasyong ito?” tanong ni De Lima.

“Tama po, Mr. Speaker,” tugon ni Alvarez.

Sinabi ni De Lima na ito na ang ikatlong beses na naka-schedule ang pagtalakay sa budget ng OVP ngunit hindi pa rin dumalo si Duterte. Binanggit din niya ang liham ni VP Duterte noong Setyembre 30, 2025, kung saan inilatag nito ang dalawang kondisyon bago siya dumalo — na dapat naroroon din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtalakay ng budget ng kanyang opisina, at na dapat alisin ang immigration lookout bulletin laban sa pitong opisyal ng OVP.

“May balak ba ang komite na sagutin ang liham ng Bise Presidente?” tanong pa ni De Lima.

“Mr. Speaker, ang komite ay hindi na tutugon sa liham, dahil huling araw na ngayon,” sagot ni Alvarez.

Bagamat ikinatuwa ni De Lima ang posisyon ng komite, kinondena pa rin niya ang hindi pagharap ni Duterte.

“Nakakagulat at nakakadismaya ang asal ng Bise Presidente. Ang paulit-ulit niyang hindi pagharap sa Katawan ay malinaw na insulto at kawalang-galang sa Institusyong ito,” ani De Lima.

“Kung hindi niya kayang igalang tayo bilang mga miyembro ng Kamara, igalang man lang sana niya ang Kamara bilang isang Institusyon, at higit sa lahat, ang Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas.”

Iginiit pa niya na ang proseso ng pagbuo ng budget ay isang mandato ng Saligang Batas:

“Ang hindi pagrespeto sa prosesong ito ay tahasang hindi paggalang sa ating Konstitusyon.”

Kinuwestyon din ni De Lima ang kakayahan ni Duterte na dumalo sa mga aktibidad sa Senado pero hindi sa Kamara:

“Kung kaya niyang magpakita sa Senado, kabilang na ang pumalakpak sa privilege speech ng dating Senate President—na wala namang kinalaman sa kanyang mandato bilang Bise Presidente—bakit hindi niya magawan ng paraan na dumalo sa opisyal na tungkulin na ipagtanggol ang budget ng kanyang opisina?”

“Tama na! Sobra na ang pagiging spoiled niya!” sigaw ni De Lima.

Ipinahayag din ng mambabatas na itutulak niyang bawasan ang budget ng OVP.

“Una kong balak ay magmosyon para gawing zero budget o hindi pag-apruba sa budget ng Office of the Vice President… Pero matapos ang pagninilay, at bilang konsiderasyon sa mga empleyado ng OVP, iniisip ko na lang ngayon na panatilihin ang budget para sa MOOE at personnel services, at alisin ang operational budget ng OVP.”

Panghuli, nangakong maghahain si De Lima ng pormal na mosyon sa period of amendments:

“At umaasa akong susuportahan ako ng mga kasama ko sa mosyong ito,” dagdag pa niya.