Martin Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon

Ridon suportado hiling ng MBC: Due process dapat i-apply sa lahat pati kay Romualdez

225 Views

NAGPAHAYAG ng suporta si House Infrastructure Committee Overall Chairperson Terry Ridon nitong Martes sa panawagan ni Makati Business Club (MBC) Executive Director Apa Ongpin para sa due process para sa lahat, kabilang si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa flood control projects.

Aniya, ang principle of fairness ang dapat gumabay sa buong proseso.

Sinabi ni Ridon na ang mga pahayag ni Ongpin ay nagpapakita ng “balanced and principled view” lalo na sa panahong ang pampublikong diskurso ay nababalot ng mga spekulasyon.

“Mr. Ongpin’s statement is a timely reminder that the rule of law ― not rumor ― must prevail,” sinabi ni Ridon. “We welcome his call for due process because it ensures that investigations are based on facts, not politics.”

Sinabi ni Ongpin na tulad ng kahit sino pa man, nararapat lamang na si dating Speaker Romualdez ay mabigyan ng due process at patas at independiyenteng imbestigasyon.

Kanyang iginiit na ang mga imbestigador ay dapat kumilos nang malaya sa anumang impluwensiyang pulitikal, at tiyaking ang mga inaakusahan ay mabibigyan ng pagkakataon upang maipagtanggol ang kanilang sarili.

Binigyang-diin ni Ridon na walang sinuman ― mula sa ehekutibo, lehislatura o pribadong sektor man ― ang dapat ma-exempt sa pagsusuri kapag ang usapin ay tungkol sa pampublikong pondo.

Aniya, lahat ng institusyon at personalidad ay dapat may karapatang marinig at may tungkuling makipagtulungan sa mga legal na imbestigasyon.

Binanggit din ni Ridon na ilang opisyal na ang nakipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), at hinikayat ang iba pang opisyal na gawin din ito.

“Let the institutions work independently and let the truth come out through evidence,” pahayag ni Ridon. “That’s how justice is served ― and how trust in government is rebuilt.”