Calendar
Pagtatatag ng dep’t sa pamamahala ng proyekto sa tubig hiniling madaliin
NANAWAGAN si Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito sa pamahalaan na madaliin ang pagtatatag ng Department of Water Resources Management upang pag-isahin ang lahat ng tungkuling may kaugnayan sa tubig, maiwasan ang korapsyon sa mga proyekto sa baha at irigasyon, at mapabuti ang tugon ng bansa sa kakulangan at labis na tubig.
Sa pagdinig ng badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Senate Committee on Finance noong Oktubre 20, iginiit ni Ejercito na panahon nang isailalim sa isang kagawaran ang lahat ng proyekto sa pamamahala ng tubig, kontrol sa pagbaha, at operasyon ng mga dam upang magkaroon ng iisang direksyon at maayos na paggamit ng pondo.
Ani Ejercito, “It’s about time that we really put all projects for water management — dams, spillways, flood control — under one full-fledged department.”
Tinukoy niya ang paulit-ulit na problema ng bansa sa tagtuyot tuwing tag-init at matinding pagbaha kapag tag-ulan. “Water is becoming scarcer every day. ‘Pag tag-ulan, ang dami nating tubig; ‘pag tag-init, tuyong-tuyo, wala naman tayong tubig. Nasasayang,” aniya.
Paliwanag pa ng senador, makatutulong ang itatayong Department of Water Resources upang maayos na maipon ang tubig-baha para magamit sa hinaharap sa halip na tuluyang masayang.
Buong suporta naman ang ipinahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon sa panukala at kinumpirma na maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay sang-ayon din dito.
“I think the President himself has supported this initiative. I think it is part of several discussions already with Congress and especially on the LEDAC,” ani Dizon.
Dagdag pa niya, “We fully support the creation of a separate Department of Water that will handle this. Kailangan po talaga yan, very, very important po yung water resources management. We will support this 100% po.”

