SUV Source: FB post ni Romel Quiatchon Albalate

DRIVER, 65, PATAY MATAPOS MAHULOG MUV SA BANGIN

Edd Reyes Oct 31, 2025
170 Views

5 pasahero sugatan

DEDO ang 65-anyos na driver ng isang multi-purpose vehicle (MUV) matapos mahulog sa bangin ang sasakyan, habang sugatan ang lima niyang pasahero Huwebes ng hapon sa Cavinti, Laguna.

Hindi na umabot ng buhay ang driver sa Holy Family Hospital sa Sta. Cruz, Laguna, dahil sa malubhang sugat at pagbagok ng ulo.

Samantala, naka-confine sa naturang pagamutan ang kanyang mga pasahero ― ang 66-anyos na misis ng nasawi, isang 69-anyos na babae, isang 48-anyos na ina at dalawang anak na 22-anyos at 11-anyos ― bunga ng mga tinamong sugat sa ulo at bahagi ng kani-kanilang katawan.

Lumabas sa pagsisiyasat ng traffic investigator ng Cavinti Municipal Police Station na tinatahak ng puting Mitsubishi Xpander na minamaneho ng nasawi ang National Highway sa naturang bayan, nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver bunga ng madulas na parte ng lansangan sa pakurbang bahagi ng Barangay Duhat dakong alas-2:55 ng hapon na dahilan para mahulog sa bangin.

Mabilis namang nakapagresponde ang mga rescue team mula sa bayan ng Cavinti at kaagad nai-ahon ang mga biktima at naisugod sa pagamutan, habang pino-proseso pa ang paghatak paahon sa bangin ng nawasak na sasakyan.

Sinasabing basa ang madulas na parte ng kalsada dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan at ito ang posibleng naging sanhi ng self accident.