Calendar
Lalaki pinagsasaksak hanggang mamatay kalaro sa ‘scatter’ game
PINAGSASAKSAK ng isang lalaki ang kalaro niya sa online game na “scatter” matapos pagbintangang umubos sa laman ng kanyang e-wallet, araw ng Linggo sa lalawigan ng Rizal.
Patay na nang idating sa Margarito Duavit Memorial Hospital ang biktimang si alyas “Herminigildo” sanhi ng tinamong mga tama ng saksak sa katawan.
Tinutugis naman ng kapulisan ang suspek na si alyas “Jay” na kaagad tumakas makaraan ang pagpatay.
Sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, naglalaro ng online game na scatter, isang casino-style na laro, ang dalawa noong Linggo dakong alas-2:30 ng madaling araw sa may Barangay Mambog sa naturang bayan nang matuklasan ng suspek na ubos na ang laman ng kanyang e-wallet na GCash.
Kinompronta ni alyas “Heminigildo” ang biktima hanggang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pagsusuntukan.
Sa gitna ng suntukan, bumunot ng patalim ang suspek at sunod-sunod na inundayan ng saksak ang nasawi.
Nakapagresponde naman ang pulisya subalit nakatakas na ang suspek kaya’t nagpa-alalay na lang sila sa mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang maisugod sa pagamutan ang biktima.

