Bucor

Opisyal ng BuCor huli sa pagbebenta ng droga sa loob ng NBP Reservation

Edd Reyes Nov 3, 2025
257 Views

KINALAWIT ng pulisya ang isang corrections officer matapos masangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga sa isinagawang operasyon sa loob mismo ng National Bureau of Prisons Reservation Linggo ng hapon sa Muntinlupa City.

Kinilala ni Muntinlupa police chief P/Col. Robert Domingo ang suspek na si alyas “Paulo”, 27, Corrections Officer 1 ng BuCor na sinakote ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa NBP Reservation area sa Brgy. Poblacion matapos ikasa ang operasyon pasado alas-3 ng hapon.

Sa ulat ni Col. Domingo kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, nakumpiska nila sa suspek na kabilang sa High Value Individual (HVI) ang tinatayang 19.4 gramo ng shabu na may halagang P131,920, Yamaha NMAX, at isang Glock 17 .9mm pistol na kargado ng bala sa magazine.

Ayon kay Col. Domingo, bago nila isagawa ang operasyon ay nagsagawa muna sila ng koordinasyon sa Inter-Agency Collaboration Group (IACG) at sa Directorate for Intelligence and Investigation ng BuCor na silang nagpabatid sa kanilang Director General Gregorio Catapang, Jr.

“This operation exposes that no one is above the law. We will not tolerate any individual, regardless of rank or position, who chooses to betray public trust by engaging in the illegal drug trade,” pahayag naman ni BGen. Arceo.