Fuel

Malakihang dagdag sa presyo ng produktong petrolyo

Edd Reyes Nov 3, 2025
591 Views

PANIBAGONG pahirap ang sasalubong sa mga motorista sa Martes ng umaga bunga ng ipatutupad na malakihang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.

Sa magkakahiwalay na anunsiyo ng Petron Corporation, Chevron Philippines, Pilipinas Shell, Seaoil at Flying V, P2.70 kada litro ang itataas ng kanilang diesel, P2.10 kada litro sa kerosina, at P1.70 kada litro sa gasolina simula alas-6:01, Martes ng umaga.

Ganito rin ang ipatutupad na pagtataas ng halaga ng produktong gasolina at diesel ng mga kompanyang PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, at Petro Gazz, na pawang hindi nagbebenta ng kerosina simula alas-6:01 din ng Martes ng umaga habang alas-4:01 naman ng hapon ang Clean Fuel.

Ayon kay PTT Philippines Media Relation Officer Jay Julian, ang panibagong big-time price hike na ipatutupad ng mga lokal na kompanya ay batay sa dikta ng pandaigdigang merkado ng presyo ng langis na dulot na rin ng mataas na pangangailangan sa langis ng maraming bansa, pati na ng parusa ipapataw ng Estados Unidos, United Kingdom, at European Union sa Russia.