Castro

PBBM sa DICT, kaukulang ahensya: Pagbabantay vs ‘cyberattack’ sa Nov. 5 paigtingin

215 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga posibleng cyberattack na inaasahang mangyayari sa Nobyembre 5, ayon sa Malacañang nitong Martes.

“Ayon sa DICT Secretary Henry Aguda, inutusan ng Pangulo ang DICT at lahat ng cyber teams sa pamahalaan na maging alerto at maghanda para sa posibleng DDoS (Distributed Denial of Service) attacks sa Nobyembre 5,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

Sinabi ni Castro na inilunsad na ng DICT ang Oplan Cyberdrome upang matiyak ang proteksyon ng lahat ng digital services ng gobyerno, pati na rin ang mga kritikal na pribadong imprastruktura sa impormasyon tulad ng mga bangko, telcos, at mga ospital.

Dagdag pa niya, ang Oplan Cyberdrome ay magbibigay-daan sa DICT upang agad makapagtugon sa anumang DDoS attacks.

“Pinatitiyak sa publiko na ang pamahalaan at ang pribadong sektor ay magtutulungan upang masiguro na ligtas at maayos na maa-access ang lahat ng digital services,” ani Castro.

Binanggit din ni Castro na sakaling magkaroon ng pagkaantala o abala sa online services, maaaring personal na magtungo ang publiko sa mga opisina ng gobyerno upang makakuha ng serbisyo.
Nauna nang nagbabala ang DICT hinggil sa posibilidad ng mga DDoS attacks sa Nobyembre 5 na maaaring tumarget sa iba’t ibang website at network.

Ang DDoS attack ay nangyayari kapag ang mga masasamang loob ay bumabaha ng labis na traffic sa isang website, na nagdudulot ng pagbagal o tuluyang pagtigil ng operasyon nito.

Gayunman, tiniyak ng DICT sa publiko na mananatiling ligtas ang mga personal na account, data, at pera.