Calendar
Kuha ni CAMILLE P. BALAGTAS
Lacson: Corroboration susi sa testimoniya ni Guteza
IGINIIT ni returning Blue Ribbon Committee Chairman Senate President Pro Tempore Senador Panfilo “Ping” Lacson na mahalaga ang independenteng patunay upang mapatibay ang salaysay ng pangunahing saksi na si Orly Guteza.
“Nag iisa siyang nagdawit sa pangalan ni dating Speaker Martin Romualdez kayat dapat na may magpatunay o mag corroborate sa kanyang mga sinabi. Dahil nakababahala kung bakit dito lang siya nagsalita sa Blue Ribbon at hindi na tumuloy para magsampa ng kanyang reklamo sa DOJ,” ani Lacson.
Ang panawagan ng senador para sa karagdagang ebidensya ay bunsod ng mga teknikal na pagdududa sa kredibilidad ng saksi, kasabay ng planong mag-imbita ng isang “kritikal na saksi” upang palawakin ang imbestigasyon.
Nilinaw ni Lacson na kailangan ng suporta ang testimonya mula sa ibang saksi at dokumento upang patatagin ang mga alegasyon ni Guteza.
Ipinunto ni Lacson na hihingin ng komite ang logbook mula sa security agency at contractor, iginiit na ang record ng pagpasok ng mga “vans or convoy of vehicles” ay magiging “strong supporting document to buttress ‘yung testimony ni Guteza even without Gutesa coming down to testify”.
May mga ulat na nagsasabing ang dalawang alleged accomplices ni Guteza na sina “Mark and Paul” ay sumama na umano kay ex-Congressman Zaldy Co.
Kinilala ng Senador ang legal na kontrobersiya sa affidavit, kung saan may resolusyon ang Manila RTC na nagrekomenda ng preliminary investigation laban kay Guteza para sa falsification of documents dahil sa di-wastong notaryo.
Dahil sa umano’y pag-amin ni Guteza na siya mismo ang nagpa-notaryo ng sarili niyang dokumento, inamin ni Lacson na ang kanyang kredibilidad para sa korte ay hindi “solid”.
Tinanong din ng chairman ang motibo sa pagkawala ng saksi matapos ang pagdinig: “Kung ang intention mo mag-propaganda lang, diyan ka sa blue ribbon at mawala ka na”.
Upang malampasan ang mga balakid, muling magpapatuloy ang pagdinig ng komite sa Nobyembre 14 at inaasahang ipiprisinta ang isang unidentified na “very important witness”.
Inihayag ni Lacson na ang testimonya ng indibidwal na ito ay gagamitin upang “help speed up the filing of airtight cases” laban sa mga sangkot na pulitiko at opisyal, at idinagdag na “more names could be added – those involved in the payoffs and other modus operandi”. Imbitado ring dumalo si Guteza sa darating na pagdinig.

