Cebu

26 nasawi sa pananalasa ng Bagyong Tino; state of calamity idineklara sa Guiuan

1039 Views

UMAKYAT na sa 26 indibidwal ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Tino sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ito ang kinumpirma ni Office of Civil Defense (OCD) Assistant Secretary Raffy Alejandro .

Gayunman, sinabi ni Alejandro na ang ulat ay patuloy paring biniberipika ng kanilang mga tauhan.

Batay aniya sa impormasyong nakarating sa kanilang tanggapan, 22 sa mga nasawi ay mula sa Region VII partikular na sa Cebu.

Kaugnay nito, nagdeklara na ng State of Calamity ang bayan ng Guiuan, Eastern Samar dahil sa labis na pinsalang dulot ng bagyong Tino.

Ang resolusyon sa deklarasyon ng state of calamity ay inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Guiuan sa pamamagitan ng isang special session nitong Martes ng umaga.

Ayon sa resolusyon, labis ang naging pinsala ng pananalasa ng bagyong Tino sa kaligtasan, kalusugan at kabuhayan ng mga residente gayuundin sa ekonomiya ng munisipalidad.

Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa 2,579 pamilya na katumbas ng 9,083 indibidwal ang sapilitang inilikas mula sa iba’t ibang barangay ng Guiuan.

Labis din ang pinsalang naidulot ng bagyo sa mga bahay, government-owned facilities partikular na sa Homonhon island at Suluan Island.