Lacson

Testigo ng Blue Ribbon may pasabog sa Nov. 14

232 Views

ANG bagong witness sa Blue Ribbon ay magbubunyag ng isang pasabog sa darting na Nob. 14.

Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na isang “very important witness” ang naghahanda nang humarap sa Senado — isang hakbang na aniya’y maaaring “mag-wrap up” o magpatapos sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee hinggil sa mga umano’y “ghost” at substandard na proyekto ng pamahalaan.

“Importante kasi puwedeng ma-wrap up lahat ng kailangang malaman patungo sa prosecution at conviction,” pahayag ni Lacson sa Kapihan sa Senado.

Ayon sa senador, lumapit ang testigo sa kanya sa pamamagitan ng isang “conduit” at kasalukuyang pinapinal ang affidavit na sinusuportahan ng mga ledger, dokumento, at digital files na maaaring magpatunay sa mga transaksiyong iniimbestigahan.

“Pinapapinalize ko ‘yung affidavit within the week kasi base sa kwento at base sa mga dapat ebidensya — dokumento, ledger, digital files, lahat ng notes,” aniya.

Dagdag pa ni Lacson, pinaalalahanan niya mismo ang testigo na huwag basta magbanggit ng pangalan kung walang sapat na ebidensyang maipapakita. “Sabi ko sa kanya, kung mag-mention lang ng pangalan na walang support ng dokumento, huwag na lang mag-mention kasi baka makasira lang ng tao. Kahit may personal knowledge, kung walang supporting documents, huwag na lang magbanggit,” aniya.

Tumanggi si Lacson na pangalanan ang testigo ngunit tiniyak niyang ito ay may hawak na mga dokumentong magpapatibay sa imbestigasyon at handang sumailalim sa panunumpa. “May conduit na nagparating,” sabi niya. “Ang importante, may dokumento siyang hawak at may first-hand knowledge.”

Pinapinal umano ngayon ang affidavit na may kalakip na mga ledger, resibo, at electronic records na isusumite sa Senado bago ang susunod na pagdinig.

Ayon kay Lacson, ang pagtestigo ng bagong saksi ay maaaring magsilbing “missing piece” na kailangan upang maisumite ang kaso sa tamang mga awtoridad.

“Kung saan kami dalhin ng ebidensya, doon kami pupunta,” giit ng senador. “We go where the evidence leads — no politics, no bias.”