ERC

Presyo ng kuryente iginiit na bababa kung mas mabigat parusa sa operators

281 Views

IGINIIT ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapalakas ng kapangyarihan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magpataw ng mas mabibigat na parusa sa power operators, kasabay ng pagbangon ng isyu hinggil sa naantalang ₱144 milyong bayad ng National Power Corporation (NPC) sa isang power producer sa Mindoro.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy kamakailan, tinalakay ng mga senador ang mga panukalang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Ayon kay Gatchalian, kritikal ang mas mataas na multa at mas matatag na enforcement upang mapababa ang singil sa kuryente.

“Kung malakas ang regulator, bababa ang presyo ng kuryente,” ani Gatchalian habang tinatalakay ang panukala niyang palakasin ang governance structure ng ERC. Bilang halimbawa, binanggit niya ang ₱15 milyong multa ng ERC sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) noong 2024 para sa 34 delayed projects. “The net profit of NGCP then was about ₱17 billion, while dividends declared to shareholders amounted to ₱3.6 billion. Obviously, the penalty is not commensurate with the size of the transmission operator,” dagdag niya.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hanggang ₱50 milyon lamang ang maximum penalty na maaaring ipataw ng ERC kada paglabag. Nais ni Gatchalian na itaas ito at gamitin ang bahagi ng makokolektang multa upang mapababa ang singil sa kuryente.

Umigting ang diskusyon nang tanungin ni Senador Rodante Marcoleta ang NPC tungkol sa hindi pa rin nababayarang ₱144 milyong obligasyon nito sa isang Mindoro-based power producer na nagseserbisyo sa isang off-grid area.

“Parang biniro ko pa siya one week, three days… I checked with the power producer, wala pa eh, the indication is you will be paying in installment. Alam mo nagdudugo na rin sila,” ani Marcoleta.

“If you do not pay on time… minsan magba-brownout siguro. So paano yan? Commitment after commitment. So why can’t you pay?”

Babala niya, dahil hindi agad nababayaran ang mga maliliit na generator, napipilitan itong bawasan ang kanilang produksyon. “Hindi naman mahaba ang pisi ng power producers… titipirin nila talaga yung kanilang production,” aniya.

Ayon kay Atty. Rogel Teves ng NPC, “out of something like 14 vouchers, 11 were already approved,” pero hindi ito tinanggap ni Marcoleta.

Nang igiit ni Teves na ang proseso ay “within the 45-day processing period,” agad na umalma si Marcoleta. “Bakit 45 days? Sino nag-institutionalize ng 45 days?… You can pay as early as you can,” aniya.

Noong Oktubre 23 budget hearing ng Department of Energy, inungkat din ni Marcoleta ang parehong isyu sa harap ni NPC President Jericho Jonas Nograles, na umaming natanggap na ang direktiba ng ERC noong Setyembre 18 na bayaran ang ₱144 milyon.

Giit ni Marcoleta na ang delayed reimbursements ay sumisira sa operasyon ng mga power provider sa SPUG (Small Power Utilities Group) areas. “Yung tagal po ng pagbabayad… sometimes affect the efficiency and effectiveness of their system. This defeats the very purpose of missionary electricity,” paliwanag niya.

Tinalakay ng komite, na pinamunuan ni Senadora Pia Cayetano, ang sumusunod na mga panukalang batas:vSenate Bill 346 (Cayetano), pagpapalakas sa ERC; Senate Bill 367 (Gatchalian), pagpapahusay sa governance ng ERC; Senate Bill 1164 (Estrada), karagdagang kapangyarihan para sa ERC; Senate Bill 1088 (Gatchalian), pag-alis ng public offering requirement para sa GenCos; at Senate Bill 1091 (Gatchalian), pagbabawal sa cross-ownership ng GenCos at DUs

Dumalo o kumatawan sa pagdinig ang mga opisyal ng DOE, ERC, NPC, NGCP, TransCo, NEA, PSALM, PEMC, IEMOP, at Philippine Competition Commission.

Layunin ng pag-aaral ng Senado na i-update ang 23-taong gulang na EPIRA upang tugunan ang mataas na singil sa kuryente, naantalang transmission projects, at ang lumalalang sitwasyon ng off-grid power producers na nahihirapang magpatuloy dahil sa mabagal na reimbursement.