PDEA

PDEA, PNP binigyan ng P5M pabuya tipster ng P605M shabu sa Region 9

Alfred Dalizon Nov 8, 2025
310 Views

PINURI ng mga mataas na opisyal ng pamahalaan noong Miyerkules ang isang sibilyan na nagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng 89 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P605 milyon sa Zamboanga Peninsula.

Ang tipster, na hindi pinangalanan para sa kanyang seguridad, ay tumanggap ng P2 milyong cash reward mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pinamumunuan ni Undersecretary Isagani R. Nerez.

Nakakuha rin siya ng karagdagang P3 milyon mula sa Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) na pinamumunuan ni Brigadier General Edwin A. Quilates, bilang pagkilala sa kanyang mahalagang kontribusyon.

Ayon sa opisyal, inaprubahan ni Acting PNP Chief Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez ang pagpapalabas ng reward money para sa informant.

Ibinigay ang PDEA reward sa ilalim ng Operation Private Eye reward system, isang pangunahing community-based initiative na nagbibigay kapangyarihan sa mga pribadong mamamayan na i-report ang ilegal na drug activities, na nagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng publiko at law enforcement.

Pinangunahan ni Nerez, kasama sina Dangerous Drugs Board Secretary Oscar F. Valenzuela, Police Regional Office 9 (PRO9) Director Brigadier Gen. Eleazar P. Matta at Quilates, ang paggawad ng parangal sa sibilyan sa isang simpleng seremonya sa PRO9 headquarters sa Zamboanga City.

Pinuri ng PDEA chief ang katapangan ng awardee na kinilala sa codename na “Jers,” na ang impormasyon ay nagresulta sa pagbuwag ng isang malaking drug syndicate, pagkakasamsam ng 89,000 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P605 milyon, at pag-aresto sa ilang high-value targets sa isa sa pinakamalaking anti-drug operations ng ahensiya sa mga nakaraang taon.

“This is not just a victory for PDEA and the PNP, it is a triumph for every Filipino who dares to stand against the menace of illegal drugs that threatens our communities, our families and our future,” pahayag ng PDEA director general.

Dagdag pa niya, pinatutunayan ng PDEA Operation Private Eye na “when citizens and law enforcement work hand in hand, we can achieve extraordinary things. Solidarity, vigilance and courage can save lives and protect the future of our nation.”

Nagpahayag din si Nerez ng taos-pusong pasasalamat sa Private Eye Rewards Committee ― na binubuo ng mga miyembro mula sa academe, law enforcement, non-governmental organizations at sektor ng relihiyon at negosyo ― para sa pagpapanatili ng transparency at fairness sa proseso ng reward.

Pinuri rin niya ang mga tauhan ng PDEA Regional Office 9 at kanilang mga katuwang na ahensiya ― kabilang ang PNP-DEG Special Operations Unit 9, Zamboanga City Police Station 11, Philippine Coast Guard Intelligence Group, Marine Battalion Mobile Teams, Philippine Navy at Western Mindanao Naval Command ― para sa kanilang mahusay na koordinasyon at pagtutulungan sa matagumpay na operasyon.

“Your dedication, passion and sacrifice are the foundation of a safer, healthier and drug-free Philippines. Every Filipino has a role to play in this fight ― no act is too small, and no voice too quiet when it comes to protecting the future of our nation,” ani Nerez, habang pinagtitibay ang kanilang pangako sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa “Bagong Pilipinas” ― isang bansang maunlad, ligtas at drug-free.