Dy

Hinimok ni Speaker Dy ang pagkakaisa, pag-iingat habang Bagyong Uwan papalapit

200 Views

NANAWAGAN si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Sabado para sa pag-iingat, kahandaan, at pagkakaisa habang papalapit sa Hilaga at Gitnang Luzon ang Severe Tropical Storm Uwan, na maaaring lumakas pa at maging isang “life-threatening” o mapanganib na Category 5 typhoon.

“Habang papalapit ang Severe Tropical Storm Uwan, nananawagan tayo sa ating mga kababayan na maging handa, magkaisa at huwag magpakampante,” ani Dy, kasabay ng ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng mag-landfall ang bagyo sa hilagang Luzon, dala ang malalakas na hangin at matinding pag-ulan.

Ayon sa pinakahuling abiso ng PAGASA, maaaring umabot sa Signal No. 5, ang pinakamataas na antas ng babala, si Uwan, na magdudulot ng malawakang pinsala, pagkawala ng kuryente, at pagkaantala ng mahahalagang serbisyo.

Hinimok ni Dy ang mga residente sa mababang lugar at baybaying-dagat na maghanda sa pinakamasamang posibilidad at sundin ang mga direktiba ng pamahalaan nang walang pag-aalinlangan.

“Dapat nating isaalang-alang ang ‘worst case scenario’ upang makapaghanda nang mabuti at makagawa ng mga hakbang na makapagliligtas ng buhay. Mas mainam na sobra ang pag-iingat kaysa magsisi kapag huli na,” aniya.

Nanawagan din siya ng mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga pambansang ahensya, mga lokal na pamahalaan, at mga opisyal ng barangay sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng bagyo, kabilang na ang kanyang lalawigan ng Isabela.

“Mahalaga ang kooperasyon upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Hinihikayat natin ang lahat, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at baybaying-dagat, na makinig at sumunod sa mga abiso ng mga otoridad. Kung ipag-utos ang paglikas, agad itong sundin para sa inyong kaligtasan,” dagdag pa ng Speaker.

Pinaalalahanan din ni Dy ang mga pamilya na maghanda ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, gamot, at flashlight, at manatiling nakatutok sa mga lehitimong ulat at abiso ng panahon.

Hinimok din niya ang kanyang mga kapwa mambabatas na manatiling nakikipag-ugnayan sa kanilang mga distrito at mga lokal na lider upang matiyak ang agarang pagtugon at tulong sa mga maaapektuhang mamamayan.

“Kailangang maramdaman ng ating mga kababayan na hindi sila nag-iisa sa panahong ito ng panganib,” ani Dy, na binigyang-diin na nagkakaisa ang Mababang Kapulungan kasama ang sambayanang Pilipino sa panalangin at kahandaan.

“Sama-sama nating harapin ang paparating na bagyo nang may tapang, malasakit, at matatag na pananampalataya. Sapagkat walang bagyong kayang pabagsakin ang isang bansang handa, nagkakaisa, at may malasakit sa kapwa,” dagdag pa ng Speaker.