Castro Palace Press Officer Claire Castro

Alegasyon ni Zaldy Co walang katotohanan — Palasyo

200 Views

IPINAGWALANG BAHALA ng Malacañang nitong Biyernes bilang “pawang sabi-sabi” o pure hearsay ang alegasyon ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na personal umanong inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpasok ng hindi bababa sa P100 bilyong halaga ng mga proyekto sa P6.352-trilyong pambansang badyet para sa 2025.

“Ang mga mabagsik na paratang na ito ay walang anumang batayan sa katotohanan. Lahat ng ibinabato laban sa Pangulo ay pawang sabi-sabi lamang,” ayon kay Presidential Communications Office acting Secretary Dave Gomez sa isang press briefing sa Palasyo.

Taliwas sa pahayag ni Co, si Marcos umano mismo ang naglantad ng mga anomalya sa flood control projects at nagsagawa ng mga hakbang upang makalikom ng ebidensya laban sa mga opisyal ng gobyerno at kontraktor na sangkot sa kontrobersya, sabi ni Gomez.

“Huwag nating kalimutan – si Pangulong Marcos Jr. mismo ang nagbunyag sa mga anomalya sa flood control at nagsagawa ng maraming hakbang upang matiyak na ang mga may sala ay mapanagot, ang ninakaw na yaman ay mabawi, at ang sistema ay maitama upang hindi na ito maulit sa hinaharap,” aniya.

Hinimok din ni Gomez si Co na umuwi at magbigay-linaw sa isyu “sa ilalim ng panunumpa sa tamang mga awtoridad sa hudikatura.”

Pinuna ni Palace Press Officer Claire Castro na sinusubukan umanong iligtas ni Co ang sarili mula sa kontrobersya sa flood control sa kapinsalaan ng iba, na binibigyang-diin na kung si Marcos nga ang nasa likod ng alleged budget insertion ay dapat nakasama ito sa NEP.

Ani Castro, mas lalo lamang nagdulot ng maraming tanong ang testimonya ni Co kaysa linawin ang kanyang papel sa kontrobersya.

“Dahil lumiliit na ang mundo ni Zaldy Co, kailangan niyang umiwas at iiwas ang sarili at mag-name-drop kahit walang katibayan at laway lang ang puhunan,” aniya.

“Para masagip ang sarili sa paratang ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at mapalitaw na siya ang biktima, siya ay magtatagpi ng maling kuwento laban sa ibang tao.

Magtuturo ng iba maliban sa sarili niya kahit ang ari-arian niya at ng kanyang pamilya ay nagsusumigaw ng ebidensya laban sa kanya.”

Nagbabala rin si Castro sa publiko laban sa posibleng panibagong kasinungalingan na maaaring ikalat ni Co sa mga susunod na araw.

Si Co, na umano’y nakatanggap ng kickbacks mula sa mga kuwestiyonableng flood control projects, ay nag-akusa rin na ginagamit umano ng administrasyon ni Marcos ang mga resources nito upang patahimikin siya.

Inihayag niya na ginagamit umano siya bilang “scapegoat” ng gobyerno upang makaiwas sa pananagutan.

Hinamon ni Castro si Co na patunayan ang umano’y banta sa kanyang buhay.

Bilang abogado, pinayuhan din ni Castro si Co na umuwi na lamang sa Pilipinas at harapin ang mga reklamong inihain laban sa kanya.

“Ang imbestigasyon na sinimulan ng Pangulo ay unti-unti nang nagbubunga. Malinaw na ang mga pangyayari. Papalapit na tayo sa katotohanan kaya’t meron nang mga pilit na inililihis ang usapan upang makaiwas ang tunay na may sala sa katarungan,” aniya.