EJK Source: File photo ni JONJON C. REYES

Truth panel na bubusisiin mga sangkot, sistema ng EJK tinutulak

274 Views

ANG paglikha ng isang truth and reconciliation commission na magsisiyasat sa mga alegasyong extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng kampanya laban sa ilegal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay magbubukas ng lahat ng detalye tungkol sa kampanya.

Sinabi ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na lahat ng aspeto ay sasaklawin – mula sa mga pangalan ng mga sangkot hanggang sa mekanismo at diumano’y sistema ng gantimpala na ipinatupad para sa mga nagpatupad ng kampanya.

“I’m all for that – isang truth commission. Bagamat may ICC (International Criminal Court), bagamat nag-iimbestiga na rin sila, hindi mo maaaring asahan na saklawin ng ICC lahat ng ito,” sabi ni de Lima sa Saturday News Forum sa Quezon City, na binanggit na ang internasyonal na hukuman ay nakatuon sa pagpapataw ng pananagutan sa pinakamataas na mga opisyal.

Sinabi ni de Lima na maghahain ang kanyang opisina ng isang panukalang batas na lumikha at mag-institusyunalisa ng naturang komisyon.

“I’m all for that at ang aking opisina ay naghahanda na ng panukalang batas para sa truth commission. Maari naming maihain ito sa Enero,” aniya.

Binigyang-diin ni de Lima na sa pagsasagawa ng war on drugs, may pananagutan din ang mga middle-level officers at iba pang mga opisyal na nagpatupad ng kampanya.

“Marami-rami iyan at may libu-libong pinatay, kaya hindi ‘yan sakop ng ICC. Ang truth commission ay mas komprehensibo at mas malawak – ito ang tunay na pagkilala sa buong katotohanan, ilan ba talaga ang biktima,” dagdag pa ni de Lima.

Si Cardinal Pablo Virgilio David ng Diyosesis ng Kalookan ay nanawagan din kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtayo ng isang truth and reconciliation commission upang imbestigahan ang mga alegasyong pagpatay sa ilalim ng kampanya laban sa droga.

Ayon kay David, ang komisyon ay hindi layong maghiganti, kundi upang tuklasin ang katotohanan at magbigay sa mga biktima ng pagkakataon na magpatuloy at makatagpo ng suporta. Philippine News Agency