Martin Dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Ex-Speaker Romualdez: Malinis ang aking konsensya

277 Views

NANAWAGAN si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte nitong Sabado para sa kapanatagan sa gitna ng tensyon sa politika kaugnay ng mga alegasyon hinggil sa budget insertions at mga proyekto sa imprastruktura, at sinabing dapat isagawa ang imbestigasyon batay lamang sa facts at sworn testimony.

“My conscience remains clear,” ani Romualdez, at binigyang-diin na mula nang magsimula ang mga pagsisiyasat ay wala pang opisyal ng gobyerno, kontratista o witness under oath na nag-ugnay sa kanya sa anumang maling gawain.

Binalewala ni Romualdez ang mga pahayag na iniuugnay kay dating Rep. Zaldy Co, at iginiit na ang mga salitang binibitawan sa labas ng sworn proceedings “do not hold water in the court of law.”

Sinabi ng lider ng Kamara mula Leyte na hindi siya makikipagsagutan sa publiko hinggil sa mga paratang at sa halip ay binigyang-diin ang pangangailangan ng pagpipigil at paggalang sa due process.

Muling ipinahayag ni Romualdez ang kanyang tiwala sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman na suriin ang ebidensya nang objectively.

Idinagdag niya na handa siyang makipagtulungan sa anumang legal na imbestigasyon at naniniwala siyang lalabas ang katotohanan sa pamamagitan ng mga tamang institusyon.

Ang kanyang pahayag ay ginawa sa gitna ng mainit na political environment na puno ng mga paratang at sagutan mula sa iba’t ibang kampo.

Ang pahayag ni Romualdez ay tila nakatuon sa pagbabalik ng atensyon sa mga itinatag na proseso at ebidensya, at sa pag-iwas sa public mudslinging na bumabalot sa isyu.