Destab

Mga usapang destab masama sa ekonomiya

242 Views

NAGBABALA si Senador Sherwin Gatchalian na ang patuloy na usap-usapan tungkol sa destabilisasyon ay nagdudulot ng masamang epekto sa ekonomiya, na makikita sa humihinang piso kontra dolyar, pagbagsak ng stock market, at patuloy na pagbaba ng foreign direct investments (FDI).

“’Yung simpleng usapan lang ng destabilisasyon, hindi na maganda para sa atin. Ngayon nakikita nating mahina ang piso kontra dolyar, ‘yung stock market pababa. Sino pang mamumuhunan sa atin kung ganyan ang sitwasyon?” ayon kay Gatchalian, pinuno ng Senate Committee on Finance.

Ayon sa senador, ang negatibong sentimyento ay hindi lamang sumisira sa kumpiyansa ng mga mamumuhunan, kundi nakakaapekto rin sa household consumption na bumubuo ng malaking bahagi ng ekonomiya. “Malaking bahagi ng ekonomiya ang household consumption, halos 60 hanggang 70 porsyento. Kapag hindi maganda ang sentimyento ng mga tao, naaapektuhan nito ang paggastos o pagbili,” paliwanag niya.

Idinagdag ni Gatchalian na ang mabagal na paggasta ng gobyerno sa gitna ng mga kontrobersiyang may kinalaman sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nakapagpapahina sa pag-angat ng ekonomiya, at nagresulta sa 4 porsyentong paglago sa ikatlong quarter ng taon.

Bukod sa mahinang piso at matamlay na equities market, patuloy ding bumabagsak ang FDI. Umabot lamang ito sa $494 milyon noong Agosto, o 40.5 porsyentong pagbaba dahil sa mas mababang pamumuhunan sa debt instruments.