Guo Alice Guo

May kasunod pang kaso vs Alice Guo

511 Views

PINURI ni Sen. Risa Hontiveros ang Department of Justice (DOJ) at iba’t ibang ahensiyang nagpursige upang mapanagot si Guo Hua Ping, kilala rin bilang Alice Guo, sa kasong qualified human trafficking na humantong sa habang-buhay na pagkakakulong.

Sa plenary interpellation ukol sa 2026 budget ng DOJ, tinanong ni Hontiveros ang estado ng pagkumpiska sa mga ari-arian ni Guo na ginamit sa Philippine offshore gaming operation (POGO) sa Bamban, Tarlac, kabilang ang P6-bilyong halagang Baofu compound.

“Ang mga lupa, mga gusali na ginamit at nakuha sa paggawa ng krimen ay kumpiskado,” ayon sa kanya.

Ipinahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian, sponsor ng DOJ budget, na may kasunod pang mga kaso laban kay Guo kaugnay ng money laundering, korapsiyon at ilegal na pag-angkin ng lupain. “Na-declare na rin siya ng Tarlac Court na hindi ho siya Pilipino,” ani Gatchalian, kaya’t maaaring bawiin ng gobyerno ang mga lupang nakapangalan sa kanya.

Bagaman maaaring maantala ng apela, tiniyak ni Gatchalian na prayoridad ng DOJ ang asset forfeiture. Kapag nakumpiska, ito ay ililipat sa National Treasury.

Wala pa umanong pinal na desisyon kung saan gagamitin ang mga ito, ngunit nabanggit na maaaring gawing eskuwelahan, ospital o pasilidad para sa militar.

Binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng paggamit sa mga nasabing ari-arian para sa rehabilitasyon ng mga biktima ng human trafficking, alinsunod sa Anti-POGO Act at AFASA law.

“Maganda pong consistent din sa principle ng restorative justice,” aniya.

Samantala, may kaso rin ng qualified human trafficking laban kay Cassandra Li Ong, na kasangkot umano sa Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.

Sa ngayon ay pinaghahanap si Ong matapos makalaya noong nagpalit ang Kongreso mula ika-19 patungong ika-20 Kongreso.

“Ang kinakatakutan lang ho natin baka rin ‘yung the same sa backdoor… remember kay Alice Guo,” babala ni Gatchalian ukol sa posibilidad ng pag-alis ni Ong sa bansa sa ilegal na paraan.

Kinumpirma rin niya na kinansela na ng DOJ ang pasaporte ni Ong at ni Harry Roque, na isa rin sa mga iniimbestigahan kaugnay ng POGO operations.

Wala pang progreso sa kaso ni Roque dahil wala siya sa bansa. Naghahanda ang DOJ ng red notice sa Interpol.

Sa huli, iminungkahi ni Hontiveros na magpadala ng pormal na liham ang Senado sa Kamara tungkol sa pagpapalaya kay Ong, kasabay ng babala: “Heaven forbid… na mapakawalan natin for whatever reason,” upang hindi na maulit ang insidente.