Remulla Ombudsman Jesus Crispin Remulla

Remulla: Notaryong dokumento dapat sumpaan para maging batayan ng imbestigasyon

263 Views

HINDI maaaring pagbatayan ng anumang imbestigasyon ang mga notarized na dokumentong hindi kinukumpirma ng mismong gumawa nito, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Ipinaliwanag niya na kailangang personal na humarap ang sinumang nagbigay ng salaysay upang kilalanin ang dokumento at patunayan na nakabatay ito sa kanilang sariling kaalaman.

“That’s still a notarized statement that has no value,” saad ni Remulla sa pakikipag-usap niya sa mga reporter sa Senado.

Dagdag niya, hindi sapat ang mga affidavit na hindi direktang kinikilala ng nagsumite, dahil kailangan munang masiguro ng Ombudsman na ang gumawa ng dokumento ay handang manindigan sa nilalaman nito.

Ipinaliwanag niyang kahit sworn statement ang isang papel, kailangan pa rin itong sumpaan muli sa harap ng Ombudsman bago ito maisama sa preliminary investigation.

Pinuna rin niya ang pagsandig sa mga alegasyong ipinapasa lamang sa social media o sa hindi nagpapakilalang pinanggalingan.

“Parang crowdsource information kasi hindi nga siya humarap. Dapat kasi humarap siya,” ani Remulla.

Giit pa niya, hindi maaaring umasa ang hustisya sa mga impormasyong hindi dumadaan sa wastong proseso. “Hindi po ganoon, proseso ng hustisya ang sinusunod nito,” sabi ni Remulla.

Kaugnay sa rekomendasyon mula sa Independent Commission for Infrastructure at Department of Public Works and Highways, sinabi niyang dadaan pa rin ito sa masusing pagbusisi.

Aniya, evidence based ang lahat ng aksyon ng Ombudsman at hindi sila nagsasampa ng mahihinang kaso. Depende rin umano sa bilis ng pagkuha ng ebidensiya kung gaano kabilis makakakilos ang kanilang tanggapan.