Turtles

Sea turtles sa Naic panahon na ng pangingitlog

Dennis Abrina Nov 22, 2025
556 Views

NAIC, CAVITE--Nagsisimula nang umahon ang mga endangered species na pawikan o sea turtles sa pangpang ng Cavite, partikular sa Brgy. Labac sa bayang ito, para mangitlog.

Ayon kay Roger Bilugan ng Samahan ng Labac Pawikan Patroller, may 3,638 itlog ng pawikan sa loob ng 38 nest holes na nasa kanilang pangangalaga.

“Nagsimula kami makakuha ng itlog noong August 22 at napisa ang 71 hatchlings na olive ridley sea turtles.

Ang sumunod ay September 15 na may 112 pieces at napisa ang 81 hatchlings ito ng November 8. Tapos tuloy tuloy na kaya abala na kami sa pagbabantay sa tabing dagat para mapangalagaan ang mga ito,” sabi ni Bilugan.

Sinabi niya na medyo mababa pa kumpara noong 2024 na may 7,600 eggs ang nakolekta nila.

Base sa pag-aaral, ang mga pawikan na ipinanganak sa isang lugar, partikular sa Labac, babalik para doon din mangitlog.