Calendar
GURO PATAY SA PAMAMARIL SA TALAVERA
TALAVERA, Nueva Ecija ― Isang 39-anyos na guro sa pampublikong paaralan ang binaril at napatay gabi ng Sabado sa Barangay Poblacion Sur, Talavera.
Sa ulat na isinumite kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng Nueva Ecija police ang biktima na residente rin ng nasabing barangay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima ay kasalukuyang nakikipag-inuman sa isang kaibigan sa harap ng kanilang tahanan nang maganap ang insidente.
Ayon sa Talavera police, bigla umanong pumasok sa compound ang isang hindi nakilalang lalaki na nakasuot ng asul na helmet at itim na jacket, at pinaputukan ang biktima ng ilang ulit.
Tinamaan ang guro sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek patungo sa hindi matukoy na direksiyon.
Isinugod ang biktima sa Talavera General Hospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Sinimulan na ng pulisya ang kanilang follow-up investigation, kabilang na ang pagpapatupad ng Oplan Bakod upang higpitan ang mga posibleng daanan ng pagtakas at pagsusuri ng CCTV footage mula sa mga kalapit na establisimyénto.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang posibleng motibo sa pamamaril.

