PDL

Bilang ng PDL na inilipat mula NBP sa iba’t ibang prison, penal farms umabot na ng 13, 781

207 Views

ISANG bagong batch ng 500 mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang inilipat mula sa New Bilibid Prison sa Lungsod ng Muntinlupa patungo sa Sablayan Prison at Penal Farm sa Occidental Mindoro.

Ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., umabot na sa 13,781 ang kabuuang bilang ng mga PDL na nailipat mula sa NBP patungo sa ibang mga Prison at Penal Farms bilang bahagi ng programa ng Bureau ng decongestion at paghahanda para sa planong pagsasara ng National Penitentiary pagsapit ng 2028.

Ang mga nailipat na PDLs ay sinamahan ng 150 tauhan mula sa NBP na may dagdag na suporta mula sa Philippine National Police Muntinlupa.

Sinabi ni Catapang na ang seguridad at logistik ng paglilipat ay maingat na pinamahalaan, na may suporta mula sa mga unit na nagbabantay sa mga pangunahing ruta tulad ng South Luzon Expressway (SLEX) at Star Tollway Arterial Road (STAR) Patrol.

Ang komprehensibong hakbang na ito ay hindi lamang layuning mapabuti ang kalagayan ng mga PDL, kundi nagpapakita rin ng pangako ng gobyerno na baguhin ang sistema ng pagpaparusa sa bansa, dagdag pa ni Catapang.

Samantala, iniutos ni Catapang sa lahat ng Superintendents ng OPPFs na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang protektahan ang mga buhay at ari-arian sa kanilang nasasakupan bilang paghahanda sa paparating na tropical depression na “Verbena.”