Calendar
PNP dinampot isa pang DPWH opisyal sa NAIA dahil sa P300M anomalya sa baha project
ISA pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa halos P300 milyong anomalya sa flood control project sa Oriental Mindoro ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) nang dumating ito sa Manila mula sa Middle East, ayon sa ulat ng Journal Group nitong Miyerkules.
Si Montrexis T. Tamayo, DPWH 4B officer-in-charge (OIC) chief planning and design, na iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla na nasa Jordan, ay inaresto sa arrival gate ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City hapon ng Martes ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region Field Unit (CIDG-NCRFU) at PNP Aviation Security Group.
Pinangunahan ni Col. John Guiagui, hepe ng CIDG-NCRFU, ang pag-aresto sa 47-anyos na akusado batay sa non-bailable warrant para sa malversation thru falsification sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code na inisyu ni Judge Sarah Jane Fernandez ng Sandiganbayan 6th Division; at isa pang warrant para sa paglabag sa Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na inisyu ni Judge Zaldy Trespeses ng Sandiganbayan 5th Division.
Bago ang pag-aresto, minonitor ng mga operatiba ang pagdating ng suspek sakay ng Emirates Airlines flight UAE332. Pagkumpirma sa kanyang pagkakakilanlan gamit ang ID na nakuha mula sa kanya, agad siyang inaresto.
Dinala si Tamayo sa PNP-CIDG headquarters sa Camp Crame para sa processing bago iniharap sa Sandiganbayan umaga ng Miyerkules para sa issuance ng jail commitment order.
Si Tamayo ang ikapitong akusado sa flood control anomaly na naaresto ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. mula noong nakaraang linggo, habang nanawagan si Remulla sa iba pang akusado na sumuko nang mapayapa at nagbabala na ang sinumang magtatago sa kanila ay sasampahan din ng kaso.
Ayon kay Remulla, dalawa pang suspek ― sina Aderma Angelie D. Alcazar, presidente at chairperson ng Sunwest board of directors; at Cesar X. Buenaventura, treasurer at board member ng Sunwest ― ay pinaniniwalaang nasa New Zealand at Estados Unidos.
“To those who plan on helping them hide, remember that you will also be held accountable somehow. Sa lahat po ng magkukupkop sa mga may kaso ay magkakakaso din. ‘Yan po ang instruction ng ating Pangulo,” babala ni Remulla.
“Ito po ang ating warning sa lahat ng gustong itago ang mga ito, they will face charges. Our best advice for those who have warrants is surrender as soon as possible, surrender to the nearest authorities, the nearest police station kasi if we go on a manhunt after you, we cannot guarantee the result,” dagdag niya.
Ang pitong akusado na naaresto na ay sina Dennis Pelo Abagon, OIC chief ng DPWH 4B Quality Assurance and Hydrology Division at regular member ng Bids and Awards Committee; DPWH 4B Regional Director Gerald A. Pacanan; DPWH Region 4B Assistant Regional Director at DPWH Bureau of Maintenance Director Gene Ryan Alurin Altea; Assistant Regional Director Ruben delos Santos Santos Jr.; DPWH 4B Construction Division chief Dominic Gregorio Serrano; DPWH 4B Maintenance Division chief Juliet Cabungan Calvo; Project Engineer III Felisardo Sevare Casuno; at DPWH 4B Bids and Awards Committee Account 4 officer Lerma Dotado Cayco.
Ayon kay Nartatez, lahat sila maliban kay Abagon ay nasa kustodiya ng PNP-CIDG sa pamumuno ni Major Gen. Robert Alexander A. Morico II. Aniya, si Pacanan ay sumuko sa CIDG habang ang anim ay naaresto sa follow-up operations noong nakaraang linggo.
Si Abagon naman inaresto ng armadong NBI agents sa isang bahay sa Quezon City noong Linggo.
Noong nakaraang Biyernes, inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may warrant of arrest laban kay dating House appropriations committee chair Zaldy Co at 15 pang kasabwat na inisyu ng Sandiganbayan.
Nahaharap sila sa paglabag sa RA 3019 at malversation of public funds through falsification of public documents kaugnay ng P289.5-milyong road dike project sa Oriental Mindoro.
Ang 15 ibang akusado ay pawang mga opsiyal ng DPWH 4B at executives ng Sunwest Corporation, ang construction firm na may kaugnayan kay Co.
Sinabi ni Remulla na nananatiling at large si Co at huling na-monitor sa Japan.
“We believe he is traveling with another passport. We do not know if he is using another name, so vine-verify pa namin,” aniya.
“Save for Zaldy Co, the other members believed to be abroad have made contact with our law enforcement agencies and are expected to show up at the embassy and begin immediate repatriation towards the Philippines,” dagdag niya.
“They have done so voluntarily, informing us of their whereabouts and we informed them of their right to proceed immediately to the embassy as soon as possible,” saad pa ni Remulla.
Ang iba pang akusadong at large ay si DPWH 4B Material Engineer Timojen Adiong Sacar at mga miyembro ng Sunwest board of directors na sina Conseulo Dayto Aldon, Engr. Noel Yap Cao at Anthony L. Ngo.
Wala si Sacar nang isilbi ng mga miyembro ng Quezon City Police District ang arrest warrant nito sa kanyang bahay sa Barangay Pinyahan, habang si Ngo ay hindi na nakatira sa kanyang huling address sa Quezon City.
Tiniyak ni Nartatez na ipatutupad ng PNP ang mga warrant of arrest “professionally.” Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy nitong operations para ma-serve ang mga arrest warrant na inisyu ng Sandiganbayan.
Ani Nartatez, pananatilihin ng PNP ang accountability at due process.
“We will carry out our mandate professionally, transparently, and in accordance with the rule of law. The PNP will continue to pursue all those with outstanding warrants until these orders of the court are executed,” aniya.
Dagdag pa niya, ipatutupad ng PNP ang rule of law, titiyakin ang accountability, at magiging professional at transparent sa kanilang tungkulin.

