Calendar
P1.6M yosi na ibinebenta ng ilegal nasamsam sa kelot
PILAR, BATAAN–Arestado ang isang 65-anyos na lalaki dahil sa pag-iingat ng P1.6 milyon na halaga ng sigarilyo na ibinebenta ng ilegal, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Huwebes.
Kinilala ni CIDG RFU3 chief Col. Grant Gollod ang suspek na si alyas Bautista.
Sinabi ni Col. Gollod na naresto ang suspek sa Brgy. Diwa ng mga operatiba ng CIDG Bataan Provincial Field Unit (PFU) kasama ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng pulisya ng Bataan.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Oplan Mega Shopper matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang informant hinggil sa umano’y pagkakasangkot ng suspek sa ilegal na bentahan ng mga sigarilyong hindi nagbayad ng buwis at hindi rehistrado.
Nasamsam mula sa suspek ang 42 master cases ng Carnival cigarettes na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P735,000 at 50 master cases ng Golden Bird cigarettes na tinatayang P875,000.
Umabot sa P1,610,000 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiska, kabilang ang boodle at marked money.
Sasampahan ang suspek ng kaso sa paglabag sa Republic Act 7394 (Consumer Act of the Philippines).
