Calendar
OCD pinagsumite ng kumpletong damage assessment report ni Lacson
HINILING ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa Office of Civil Defense (OCD) na magsumite ng kumpletong damage assessment reports bilang batayan ng rehabilitasyon para sa mga lokal na pamahalaang naapektuhan ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan.
Sa pagtalakay sa panukalang 2026 budget ng Department of National Defense, humiling si Lacson ng kopya ng Post-Disaster Needs Assessment (PDNA) at Rapid Damage Needs Assessment (RDANA). Aniya, kailangan ng Senado ng beripikadong datos upang makapaglagay ng tama at makatuturang amyenda sa pambansang badyet.
Tinukoy niyang humiling ang Malacañang, sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph Recto, ng pondo para sa mga tinamaan ng bagyo sa 2026 national budget.
“The Senate, and Congress for that matter, cannot simply introduce amendments under the Senate version and even during the bicameral conference committee without getting data on the ground,” ayon kay Lacson.
Dagdag niya, nais ng Senado na iwasan ang lump-sum appropriations habang pinag-aaralan ang posibleng pagdaragdag sa Local Government Support Fund (LGSF), na siyang ginagamit ng mga LGU sa kanilang mga rehabilitasyon at recovery projects. Dapat aniya ay nakaangkla sa malinaw na pangangailangan ang anumang dagdag na pondo.
Sinabi ni Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian na posibleng maipasa ng OCD ang PDNA at RDANA pagsapit ng Disyembre 1. Hiniling ni Lacson na isumite ang mga ulat sa finance committee upang magamit sa pagbuo ng amyenda sa bicameral conference committee.
Babala ni Lacson na kung hindi agad maibibigay ang mga ulat, maaaring kailanganing maghain ng supplemental budget sa susunod na taon. Una nang sinabi ni Gatchalian na maaaring kailanganin ito dahil tinanggal sa Senate version ng 2026 budget ang unprogrammed appropriations.
Gayunman, iginiit ni Lacson na ang supplemental budget ay nangangailangan ng sertipikasyon ng Bureau of the Treasury na may sapat na pondo. “We can do away with that and instead just introduce amendments in the bicam,” aniya.
Idinagdag niya na dapat ding isama sa pagsusuri ang calamity fund ng bawat LGU, na limang porsiyento ng kanilang kabuuang budget. Binanggit niya ang Cebu na may P23-bilyong 2024 budget, na may katumbas na P1.15 bilyong calamity fund, at Negros Occidental na may P5.4-bilyong budget na may tinatayang P270 milyong pondo para sa sakuna.
“All these should be considered when we realign funds from some other items to the LGSF. But we should be very specific,” ani Lacson.

