Philippine Red Cross

314 blood donors kinilala ng PRC

Arlene Rivera Dec 1, 2025
194 Views

DAHIL sa patuloy na suporta sa blood donation drive, kinilala ng Philippine Red Cross (PRC) ang halos 314 na donors.

Nagsama-sama ang PRC at daan-daang donors, partners, at community leaders sa Hilton Clark sa idinaos na 3rd Central Luzon Kadugo Awarding Ceremony para parangalan ang mga indibidwal at organisasyong tumutulong para masigurong laging may dugo para sa mga nangangailangan sa rehiyon.

Kabilang sa mga awardee ang mga taga-Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Olongapo, Pampanga, Tarlac, at Zambales na kinilala dahil sa kanilang natatanging kontribusyon sa National Blood Services Program.

Sa pamamagitan ng taon-taong pakikilahok sa blood donation drives at iba pang community activities, nakatulong ang mga partner na ito para madaling makapagbigay ng ligtas at sapat na dugo para sa mga pasyente sa buong bansa.

“Walang Pilipino dapat mamatay dahil lang walang dugo.

Sa tuloy-tuloy na dedikasyon ng ating donors, partners, at volunteers, mas napapalapit tayo sa isang bansa kung saan bawat pasyente ay may pagkakataong mabuhay,” sabi ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon.

Binigyang-diin naman ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang ang kahalagahan ng tema ngayong taon: “Give Blood, Give Hope, Together We Save Lives.”

Kabilang sa mga parangal ay Blood Samaritan Award para sa mga tagasuporta na tumutulong sa mga pasyenteng walang kakayahan bumili ng dugo, Hall of Fame para sa mga partner na higit 10 taon na ang serbisyo at libo-libong units ang naipon, at iba pang awards para sa natatanging kontribusyon ng mga partners.

Isa sa mga tumanggap ng Diploma of Service ang Columban College of Nursing na kinatawan nina Raymond Papa at estudyanteng si Francis Solomon.

Pinuri sila sa kanilang pagsisikap na himukin ang mga estudyante at guro sa regular na blood donation.

Nagpasalamat si Papa sa pagkilala at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagbibigay ng dugo.

Ngayong ikatlong taon ng Kadugo Awarding Ceremony, tinatayang 450 hanggang 500 ang dumalo, na patunay ng lumalawak na pakikilahok ng mga komunidad sa volunteer blood donation sa Central Luzon at sa patuloy na paglago ng partnerships na sumusuporta sa programa.