Bottle opener na gawa sa bala naharang sa NAIA

Jun I Legaspi Dec 1, 2025
435 Views

NAHARANG ng mga otoridad sa Office for Transportation Security (OTS) ilusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nobyembre 26 ang isang bottle opener na gawa sa bala.

Natuklasan ang naturang bagay sa security screening ng isang pasaherong patungong Riyadh sakay ng Saudia Flight SV 861.

Sa pamamagitan ng masusing pagbabantay, nakita sa monitor ang kahina-hinalang imahe na kahawig ng bala.

Nakipag-ugnayan kay baggage inspector SSO Jessiel Ruiz ang nakakita na nagsagawa naman ng manual inspection sa harap ng pasahero.

Sa manual baggage inspection, nakumpirma ang isang basyong bala na ginawang bottle opener kaya kinumpiska at isinuko sa PNP AVSEGROUP para sa tamang disposisyon.

Matapos ang proseso, pinayagang magpatuloy sa biyahe ang pasahero.

Ipinaalala ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz sa mga biyahero na maging maingat sa mga bagay na kanilang dala dahil maaari itong magdulot ng pagkaantala sa security screening checkpoint.