Calendar
ACT-PH binatikos exemption ng mga senador sa no work, no pay policy
KINONDENA ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines ang exemption ng mga senador sa “no work, no pay” policy na pasanin ng mga karaniwang guro, empleyado ng gobyerno at manggagawa.
Kasabay nito, hiniling din ng grupo ang agarang suspensyon kay Sen. Bato dela Rosa at iba pang opisyal na may labis at hindi maipaliwanag na absences.
Binatikos ng ACT ang double standard sa no work, no pay policy dahil mga guro, empleyado ng gobyerno, at manggagawa ang napapatawan pero hindi ang mga senador.
“Tuloy ang sarap ng buhay ni Bato Dela Rosa! Hindi sisipot sa trabaho pero sumesweldo mula sa buwis ng taumbayan.
Gagawa ng kasalanan sa mamamayang Pilipino at biglang magtatago at tatakbuhan ang pananagutan. Buti ang mga senador, mambabatas, at opisyal sa gobyerno, may choice na hindi pumasok habang ang mga karaniwang guro, kawani at manggagawa ay walang choice kundi magbanat ng buto para kumita.
Nagbabanat na ng buto, pinasasahod na ang mga tamad at abusado, ninanakawan pa,” ani Ruby Bernardo, ACT Chairperson.
Binigyang-diin ng ACT na ang exemption na ito ay hindi lamang hindi patas kundi lubhang hindi katanggap-tanggap, lalo na sa gitna ng mga pagsisiwalat ng malawakang korupsiyon na kinasasangkutan ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan.
“Ang pagpapabaya o pag-abandona sa tungkulin, lalo na ng isang senador na tumatanggap ng daan-daang libong piso bawat buwan, ay isa nang anyo ng korupsiyon.
Paulit-ulit na inilalantad ng bulok na sistema ang sarili nito, pinatutunayang marami sa mga nagpapatakbo ng pamahalaan ay namumuhay nang salungat sa itinatadhana ng Konstitusyon para sa mga lingkod-bayan,” pahayag ni Bernardo.
Hiniling ng ACT na si Bato Dela Rosa, kasama ang iba pang habitual absentee na opisyal, ay agad na suspendehin nang walang sahod at papanagutin.
Hinimok din ng ACT na harapin ang kaso sa International Criminal Court (ICC) bilang pangunahing tagapagpatupad ng madugong giyera kontra droga, sa halip na magtago sa likod ng mga pribilehiyo.
Muling ipinanawagan ng grupo ang disenteng sahod na sapat para sa maayos na pamumuhay ng mga manggagawang pang-edukasyon, partikular ang: P50,000 entry-level pay para sa mga guro, P33,000 basic pay para sa Salary Grade 1 employees at standardized pay para sa mga guro sa pribadong paaralan na katumbas ng hinihingi ng mga guro sa pampublikong paaralan.

