Oducado

Panukala sa bawas-bayad sa Internet service disruption ipinasa

Mar Rodriguez Dec 4, 2025
305 Views

π—¦π—”π—žπ—”π—Ÿπ—œπ—‘π—š magkaroon ng disruption sa serbisyo ng Internet at telcos, oobligahin ang mga Internet Service Providers (ISPs) na mag-refund o ibawas sa bill ng kanilang mga costumers ang palpak nilang serbisyo na hindi naman napakinabangan.

Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 178 na inihain ni Rep. Marlesa Hofer-Hasim sa Kamara de Representantes kasama si 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado.

Batay sa data, umaabot na sa 104.5 million ngayong 2025 ang mga gumagamit ng internet sa Pilipinas.

Aminado si Oducado na lalo pang naging in-demand ang pangangailangan sa serbisyo ng internet at telecommunication sa pagpasok ng digital age.

Sa kabila ng pagiging “indispensable” o malaking pakinabang sa paggamit ng internet at telecommunication, may mga pagkakataon na nagkakaroon ng service outages at disruption sa serbisyo ng mga ISPs na labis na nakaka-apekto sa kanilang mga kliyente.

Hindi naman ibinabawas o kaya’t nire-refund ng mga telcos sa bill ng kanilang mga costumer ang perwisyo.

“Despite this, consumers continue to experience frequent and prolonged service outages and disruptions and often without warning and with no corresponding adjustments in their billing,” wika ni Oducado.

Binigyang diin ni Oducado na ito ang pangunahing layunin ng House Bill No. 178 para gawing parehas ang serbisyo para sa mga ISPs at kanilang mga kliyente sa pamamagitan ng pagtitiyak na sila ay mabibigyan ng proteksyon.