Alocables

Lacson: 2026 budget walang ‘allocables’

253 Views

INIHAYAG ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na tinanggal ng Senado ang “allocables” at iba pang probisyong may binabanaang political patronage mula sa bersiyon nito ng panukalang 2026 national budget, kahit pa may ilang mambabatas na nagtulak na panatilihin ang mga ito.

Sinabi ni Lacson na nagkasundo ang mga senador na alisin ang tinatawag na “allocables,” na una na niyang tinukoy bilang bagong anyo ng pork barrel dahil naglalaan ito ng pondo para sa mga proyektong hindi pa tukoy. Binalaan niya na maaaring humantong ito sa rigged bidding at pabor-pabor sa mga kontratista.

Idinagdag niya na tinanggal din ng Senado ang ilang “ayuda” at katulad na programa mula sa unprogrammed appropriations dahil sa pangambang nagagamit ang mga ito sa political patronage. Natapos ang mga pagbabago bago maipasa ang panukala sa second reading noong Disyembre 4.

Ibinunyag ni Lacson na habang tinatalakay ang budget, may mga ulat na ilang mambabatas—kabilang ang mga senador—ay iginigiit pa rin ang kanilang individual amendments. “Nasa reform mode na tayo, tapos may ganito pa. May nagmumungkahi pa na kung may allocables ang House, dapat meron din ang Senado. Napakasama,” aniya.

Naresolba ang isyu nang aprubahan ng Senado ang panukala nang walang allocables. Sinabi ni Lacson na kung tumindi ang pagtutol, handa siyang hingin ang suporta ng majority bloc para sa isang pormal na botohan na pangungunahan ng finance committee chair.

Inugnay niya ang repormang ito sa mga natuklasan sa imbestigasyon ng mga kuwestiyonableng proyekto sa imprastraktura, na aniya ay nagpapakitang ang malalabong budget provisions ay madaling abusuhin. Binigyang-diin niya na mahalaga ang malinaw at transparent na alokasyon lalo na’t masikip ang fiscal space ng pamahalaan.

Sinabi ni Lacson na ang pagtanggal sa allocables at iba pang patronage-linked items ay hakbang para mapalakas ang tiwala ng publiko at matiyak na ang pondo ay napupunta sa mga lehitimo at maayos na proyektong nakikinabang ang mga komunidad, manggagawa, at maliliit na negosyo.