Ping. Lacson

Lacson: IPC tutulong kumuha ng ebidensya, pagprotektahan mga testigo, magbuo ng mga kaso

281 Views

NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa Malacañang na manatiling matatag sa pagsisiyasat sa umano’y korapsyon sa mga proyekto ng imprastraktura at flood control, habang hinihikayat ang paglikha ng isang mas makapangyarihang komisyon na tututok sa mga naturang anomalya.

Ayon kay Lacson, dapat itulak ng Palasyo ang pagbuo ng Independent People’s Commission (IPC), na papalit at magpapalawak sa kapangyarihan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). Sinabi niyang makatutulong ang IPC upang tugunan ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suriin ang mga iregularidad sa malalaking proyektong pinopondohan ng gobyerno.

Sinusuportahan din niya ang mabilis na pagpasa sa Senate Bill 1512, na magbibigay sa IPC ng mga kapangyarihang wala sa ICI, kabilang ang pagbibigay ng witness immunity at protection. Aniya, mahalaga ang mga ito upang mahikayat ang mga whistleblower na madalas maharap sa counter-charges o harassment suits.

Binanggit din ni Lacson ang pangamba ni ICI head Andres Reyes Jr. na maaaring mabiktima ng retaliation ang mga testigo kung walang sapat na proteksyon. Idinagdag niya na bagama’t may subpoena powers ang ICI, wala itong kapangyarihang mag-contempt sa mga tumatangging sumunod.

Isa sa mga halimbawa niya si Davao City Rep. Paolo Duterte, na tumanggi sa imbitasyon ng ICI dahil umano’y wala itong hurisdiksiyon sa kanya.

Ayon kay Lacson, ang pagpasa sa IPC bill sa Senado at Kamara, ang pagresolba nito sa bicam at ang pagkuha ng urgent certification mula sa Pangulo ay magpapakita na seryoso ang pamahalaan sa pagtugon sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan.

Pahayag niya ito matapos ang mga ulat na nagsasabing sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na maaaring dumoble ang trabaho ng IPC sa ginagawa na ng Ombudsman at Department of Justice.

Giit ni Lacson, nakalaan ang IPC para tumulong sa pagkuha ng ebidensya, pagprotekta sa mga testigo at pagbuo ng mga kaso para sa prosekusyon.

Sinabi ni Lacson na hindi niya maunawaan kung bakit tila humina ang interes ng Malacañang, at iginiit na naniniwala pa rin siyang nakapagbibigay ang ICI ng impormasyon na makatutulong sa Ombudsman at DOJ na isulong ang kanilang preliminary investigation at makabuo ng matitibay na kaso laban sa mga umano’y sangkot sa maling paggamit ng pondo ng bayan.