Karne

Smuggled na karne pinangangambahang binebenta sa mga restoran, palenge

220 Views

NANGANGAMBA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na ang mga smuggled at hindi na-inspect na frozen meat products—na idineklarang hindi angkop para sa konsumo—ay maaaring nakapasok sa mga kainan sa bansa.

Lumabas ang isyu matapos umamin si Chaoqun Shi, isang Chinese national na umano’y smuggler at nangungupahan sa warehouse na nasabat ng P100 milyon halaga ng frozen meat, na nagsu-supply umano siya noon sa ilang restaurants sa Pasay City. Ayon kay Shi, sarado na ang mga naturang establisimyento.

“Nakakalungkot dahil pagkain ito. Inamin nung suspected Chinese smuggler na nakakulong ngayon na binebenta niya ang mga produkto sa mga restaurants sa Pasay, at sinabi ng DA na ang mga nakumpiska ay unfit for human consumption,” ayon kay Pangilinan sa panayam.

Pinangunahan ni Pangilinan, na chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ang pagdinig at pagtatanong tungkol sa umano’y smuggling ng agricultural products sa bansa.

Nagbabala rin ang senador na posibleng nakalusot ang ganitong produkto sa mga palengke. “Pati sa palengke, hindi na ako magtataka kung may mga nakakalusot na produktong may salmonella o E. coli,” aniya.

Idinagdag niya na naaapektuhan ang mga lokal na prodyuser dahil sa pagpasok ng murang smuggled goods. “Mura dahil patapon na sa China. Binibili nila ng salvage value, dadalhin dito, ilulublob sa formalin,” aniya.