Calendar
Larawan mula sa blog ni Raevin Bonifacio
Amo nakitang putol dila ng alagang aso
HUSTISYA ang panawagan ng may-ari ng anim na taong gulang na aso na iniulat na pinutulan ng dila ng hindi pa kilalang suspek sa Valenzuela City.
Nasa hindi pa rin magandang kondisyon ang kalagayan ng American Bully na si “Kobe” sa pinagdalhang veterinary clinic na ayon sa beterinaryo ay hindi na maibabalik ang pinutoll na malaking bahagi ng dila dahil sa dami ng naputol na ugat.
Sa pahayag ng may-ari ng aso na si Rodlee Rivera-Zulueta, Martes ng madaling araw nang makita niya ang mga patak ng dugo malapit sa kanilang bahay sa Aratiles St. Brgy. Balangkas at nang sundan niya ito, nagulat siya nang makita ang kanyang alaga na duguan at tila nag-aagaw buhay kaya’t kaagad niyang isinugod sa veterinary clinic.
Kinondena naman ng mga resident sa naturang lugar ang napakalupit na ginawa kay Kobe ng hindi pa nakikilalang suspek lalu’t batay sa kanilang deskripsiyon ay mabait itong alaga at walang ginagawang masama.
Matapos mag-viral sa social media ang larawan ni Kobe, hiniling ng Animal Kingdom Foundation (AKF), maging ang iba pang grupong nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop na imbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari upang mapanagot sa batas sa ilalim ng R.A. 8485 o Animal Welfare Act ang may kagagawan ng kalupitan sa aso.
Nanawagan din ang may-ari ng aso na matulungan sila sa paghahanap ng hustisya lalu na’t hindi nila matanggap na nangyari sa kanilang mabait na alagang aso na walang katiyakan kung mabubuhay pa.

