Mendoza

LTFRB naglabas ng parusa sa TNVS na magka-cancel ng bookings

Jun I Legaspi Dec 11, 2025
261 Views

NAGLABAS ng Memorandum Circular (MC) 2025-055 ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagpapataw ng parusa sa mga kanselasyon ng booking na ginagawa ng mga driver ng ride-hailing vehicles.

Binanggit ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na ang resolusyon ay tugon sa mga reklamo ng mga mananakay hinggil sa laganap na kanselasyon ng booking lalo na sa mga lugar na matindi ang trapiko.

Sa ilalim ng MC 2025-055, ang kanselasyon ng booking na ginagawa ng mga driver ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) ay itinuturing na paglabag sa Refusal to Convey Passengers na may kaukulang parusa sa ilalim ng Seksyon IV.2 ng Joint Administrative Order (JAO) 2014-01.

Kasama sa multa sa unang pagkakataon, P5,000; 2nd time P10,000 at pagkumpiska ng unit sa loob ng 30 araw; at ikatlo at kasunod na pagkakataon, P15,000 na multa at kanselasyon ng Certificate of Public Convenience (CPC).

Binigyang-diin ni Chairman Mendoza na ang hindi makatarungang kanselasyon ay katumbas ng pagtanggi na magsakay ng pasahero kapag ang booking ay tinanggap at nakumpirma na sa digital platform.

Ang mga pattern ng pagtanggi ay matutukoy sa pamamagitan ng log systems ng Transport Network Companies (TNCs) na nagpapakita ng sinadyang pag-iwas sa ilang lugar, oras, o uri ng pasahero nang walang makatuwirang dahilan.

Inaatasan ang mga TNC na magsumite buwan-buwan ng ulat na naglalaman ng:

• Bilang at porsyento ng mga kanselasyon na nakategorya bilang driver-initiated, passenger-initiated, o system-initiated.

• Listahan ng mga driver na may hindi makatarungang kanselasyon at kaukulang aksyong isinagawa laban sa kanila.

Ang kabiguan ng TNCs na bantayan, kontrolin, at aksyunan ang paulit-ulit na hindi makatarungang kanselasyon, o ang hindi pagsunod sa reporting at data-sharing obligations, ay papatawan ng multa, suspensyon, o kanselasyon ng kanilang akreditasyon.