Duterte

ICC: Duterte kayang sumabak sa pre-trial

239 Views

AYON sa isang independent medical panel na itinalaga ng International Criminal Court (ICC), nagkakaisa ang mga doktor na may kakayahan pa si former President Rodrigo Duterte, 80, na sumabak sa pre-trial proceedings kaugnay ng kasong crimes against humanity bunsod ng madugong giyera kontra droga.

Salungat ito sa pahayag ng kampo ni Duterte na umano’y may malubha na siyang problema sa pag-iisip at memorya.

Lumabas ang resulta sa dalawang court filings na inilabas noong Disyembre 18, kung saan parehong kinilala ng prosekusyon at depensa ang konklusyon ng panel — bagama’t magkaibang-magkaiba ang interpretasyon nila rito. Hindi pa inilalabas sa publiko ang mismong medical report, at wala pang pinal na desisyon ang ICC kung tuloy na tuloy na ang paglilitis.

Mariing kinuwestiyon ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman ang findings ng panel. Aniya, may mga salungat umanong obserbasyon ang mga doktor pagdating sa kalagayan ng dating pangulo, lalo na sa isyu ng memory loss. Para sa depensa, hindi raw sapat ang simpleng kakayahang makipag-usap para sabihing handa si Duterte sa isang komplikadong paglilitis na may libo-libong ebidensya.

Giit pa ng kampo ni Duterte, hindi raw nito kayang iproseso at tandaan ang mahahabang detalye ng kaso, dahilan para hilingin nila ang karagdagang pagdinig at masusing pagtatanong sa mga doktor bago maglabas ng desisyon ang ICC.

Kabaligtaran naman ang posisyon ng prosekusyon. Ayon kay ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, malinaw sa mga pagsusuri na nagpapanggap lamang si Duterte na may cognitive impairment upang makaiwas sa paglilitis.

Sinabi pa ng prosekusyon na bumagsak ang dating pangulo sa mga simpleng test na idinisenyong tuklasin kung may nagpapanggap lang na may sakit sa pag-iisip.

Base sa pagsusuri ng panel, hindi tugma ang mga reklamo ni Duterte tungkol sa kanyang kalagayan sa aktuwal na obserbasyon ng mga doktor noong Oktubre at Nobyembre. Bagama’t kinilala nilang siya ay matanda at mahina na ang pangangatawan, malinaw umano na naiintindihan pa rin niya ang mga paratang, ang proseso ng korte, at kaya pa niyang magbigay ng direksyon sa kanyang mga abogado.

Nagbigay rin ng rekomendasyon ang medical panel para mapadali ang partisipasyon ni Duterte sa mga pagdinig, tulad ng mas maiikling oras ng session, regular na pahinga, paggamit ng hearing assistance devices, at limitadong araw ng pagharap sa korte bawat linggo.