Calendar
Si Quezon Police Director Col. Romulo Albacea (kaliwa) na siyang nanguna sa pursuit operation na ikinasawi ng suspek.
Larawan ni GEMI FORMARAN
Pulis, ‘gun-for-hire leader’ patay sa engkwentro sa Quezon
CANDELARIA, QUEZON – Nasawi ang diumano’y lider ng isang kilabot na gun-for-hire group na umano’y sangkot din sa drug trade sa isang hot pursuit operation ng pulisya, kasunod ng pananambang ng mga ito sa isang grupo ng mga pulis na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng dalawang iba pa sa Sitio Pulyok, Barangay San Isidro sa bayang ito noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Quezon Police Director Col. Romulo Albacea ang nasawing pulis na si Patrolman Ron Jay Chavez, nakatalaga sa First Quezon Provincial Mobile Force Company (First QPMFC).
Dalawa sa kanyang mga kasama na sina PMSg. Sonny Caringal at Patrolman Kim Kenneth Averia ang kapuwa nagtamo ng tama ng bala.
Kinilala naman ni Albacea ang nasawing suspek na sinasabing lider ng grupo na si alyas “Mark” na residente ng Brgy. Cabay, Tiaong.
“Naganap ang unang engkuwentro dakong ala siete ng gabi habang ang mga pulis ay nagsasagawa ng mobile patrol operation sa barangay,” wika ni Albacea.
Bigla umanong napansin ng mga ito ang isang grupo ng mga kalalakihan malapit sa sagingan kung kaya nilapitan nila ang mga ito.
“Sa puntong iyon ay mabilis na nagpaputok ang mga suspek na armado pala ng M16 ArmaLite rifle at pistol na mabilis na ikinasugat ng tatlong pulis. Gayunman, sa kabila ng mga sugat ay kaagad gumanti ng putok ang mga pulis hanggang sa nagsitakas ang mga suspek,” ayon pa kay Albacea.
Isinugod sa United Candelaria Doctor’s Hospital ang mga sugatan subalit mabilis na binawian ng buhay si Chavez.
Sa isang follow-up operation na personal na pinangunahan ni Albacea at ni Lt. Col. Reynaldo Reyes, commander ng First QPMFC, muling naganap ang isang engkuwentro na ikinasawi ni alyas Mark na armado ng M16 ArmaLite rifle at nakasuot ng bulletproof vest.
Nabawi ng mga pulis ang isa pang M16 ArmaLite rifle, isang pistol at ang Toyota Hilux na naiwan ng mga suspek.
Kasalukuyan pang tinutugis ng mga pulis ang mga kasama ng napatay na suspek na nagawang makatakas.

