Momo

Momo sa LTO: Bayolenteng drivers dapat bantayan

Mar Rodriguez Jan 4, 2026
186 Views

𝗜𝗠𝗜𝗡𝗨𝗠𝗨𝗡𝗚𝗞𝗔𝗛𝗜 ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. sa Land Transportation Office (LTO) na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga bayolenteng drivers na pasimuno ng road rage.

Kaugnay ng panibagong road rage ang pahayag ni Momo, Chairman ng House Committee on Public Works, sa Cagayan de Oro City (CDO) tungkol sa may-ari at drayber ng isang pick-up na naging viral sa social media matapos bumunot at manutok ng baril sa kapwa nila motorista.

Ikinababahala ni Momo na halos wala ng kinatatakutan ang mga arogante, barumbado at bayolenteng drayber dahil sa kabila ng babala ng LTO na kakanselahin ang lisensya ng mga motoristang masasangkot sa rage rage ay tila mas naging mapangahas pa ang mga sangkot na drayber.

Kung ganito na karahas ang mga nasasangkot sa rage rage, kinakailangan na mas maging maigting pa ang kampanya ng LTO laban sa mga abusadong motorista na nagdadala pa ng baril sa pagmamaneho.

Mungkahi ni Momo na magkakaroon ng checkpoints sa mga estratehikong lugar upang masiyasat ang mga motoristang may baril.

Napaulat na ilang draybers ang may dalang baril habang nagmamaneho noong holiday season.

Sinabi pa ni Momo na hindi lang nakakabahala sa mga motorista ang pagkakaroon ng baril ng ilang nagmamaneho, lalo na sa mga mamamayan na hindi malayong madamay sa road rage na mag-uugat sa simpleng alitan lang.