Calendar
File photo
Rider patay, dalawa sugatan matapos araruhin ng SUV sa Bulacan
NASAWI ang isang motorcycle rider habang dalawa pa ang nasugatan noong Biyernes matapos banggain ng isang sport utility vehicle (SUV) ang tatlong motorsiklo sa isang gasolinahan sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat na ipinarating kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng pulisya ng Bulacan ang nasawi na isang 42-anyos na residente ng Barangay Panghulo sa Lungsod ng Malabon.
Ang mga sugatan ay kinilalang isang 24-anyos na taga Brgy. Minuyan Proper at 36-anyos na taga Brgy. Sto. Cristo, na pawang nasa Lungsod ng San Jose del Monte.
Batay sa paunang imbestigasyon, naghihintay ang mga biktima na makargahan ng gasolina ang kanilang mga motorsiklo sa gas station na matatagpuan sa Brgy. Sto. Cristo, San Jose del Monte, nang biglang sumalpok sa kanila ang isang Mitsubishi Pajero na minamaneho ng 69-anyos na suspek na si alyas “Cruz” na residente rin ng Brgy. Sto. Cristo.
Isinugod ang tatlo sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte para sa gamutan.
Idineklara na dead on arrival ang 42-anyos na biktima, habang ginamot naman ang dalawa pa dahil sa kanilang mga pinsala.
Nang mabatid ang pagkamatay ng biktima, kusang loob na sumuko ang suspek sa mga rumespondeng pulis at dinala sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte sa Bulacan para sa medical examination.
Inihahanda na ang kaukulang reklamo laban sa suspek.

