Drayber, may-ari, pasahero sa Bulacan road rage inisyuhan ng SCO

187 Views

NAG-ISSUE ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order (SCO) laban sa may-ari, drayber at pasahero ng Toyota Hilux na sangkot sa road rage sa Barangay Iba, Hagonoy, Bulacan.

Ang hakbang ay ginawa matapos kumalat ang video ng insidente.

Batay sa kuha, pansamantalang huminto ang motorsiklo sa isang kanto nang dumaan ang naturang sasakyan.

Ayon sa video, binuksan ng pasahero ng Toyota Hilux ang bintana at nagbato ng isang bagay sa motorsiklo at sa sakay nito.

Bumaba ang pasahero at hinarap ang rider. Bagaman sinubukan ng drayber na pigilan ang gulo, bumalik pa umano ang pasahero at muling sinalakay ang rider bago umalis ang sasakyan.

Inatasan ang mga sangkot na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa East Avenue, Quezon City, sa Enero 15 ng alas-11 ng umaga.

Kinakailangan nilang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa administratibong paglabag sa obstruction of traffic at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang mga lisensiya dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Bilang paunang hakbang, ipinag-utos ng LTO ang pagsuko at pansamantalang pagsuspinde ng lisensiya ng drayber sa loob ng 90 araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ni Markus Lacanilao, hepe ng LTO, na hindi pinahihintulutan ang karahasan sa kalsada.

“Hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng karahasan sa kalsada o paglabag sa mga batas trapiko,” aniya.

Muling iginiit ng LTO na ang mga mapatutunayang responsable sa mga kahalintulad na insidente ay haharap sa nararapat na parusa alinsunod sa umiiral na batas.