Calendar
‘Nanay Bing’ nakibahagi sa bentahan ng murang bigas sa Zambales
NAKIBAHAGI si Zambales Congresswoman Doris “Nanay Bing” Maniquiz sa bentahan at pagbubuhat ng mga sako ng bigas sa isinagawang “Rice Subsidy Program” sa Brgy. Bolitoc-Longos bilang bahagi ng pagdaraos ng “Araw ng Pamimili” para sa mga residente.
Nakisabay si Nanay Bing sa pamamahagi at pagtulong sa mga mamimili upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng murang bigas sa mga benepisyaryo.
Ayon sa kampo ni Nanay Bing, layunin ng programa na mabawasan ang gastusin ng mga pamilya sa pagkain at mabigyan sila ng pagkakataong mailaan ang kanilang matitipid sa iba pang pangunahing pangangailangan sa tahanan.
Binigyang-diin din na ang Rice Subsidy Program ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na matulungan ang mga residente, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Hinikayat ni Nanay Bing ang mga mamamayan na manatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok.
“Mga anak, tiwala lang. Matatapos din ang unos at babangon tayo,” ang pahayag ni Cong. Nanay Bing.
Nagpasalamat naman ang ilang residente sa patuloy na pagpapatupad ng programa, na anila’y malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Patuloy na iikot ang Rice Subsidy Program sa iba pang mga komunidad upang mas marami pang pamilya ang makinabang sa murang bigas.

