Calendar
Kamara susunod sa SC kung may impeachment vs VP Sara — Puno
SUSUNDIN ng House of Representatives ang mga pinakahuling patnubay ng Korte Suprema (SC) sa paghawak ng mga reklamong impeachment, sakaling may ihain laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Inaasahang mas mabagal at mas maingat ang magiging proseso ng mga mambabatas, na magbibigay ng mas malaking timbang sa due process at sa pagiging kumpleto ng mga dokumento bago maisulong ang anumang kaso.
“Anumang susunod na reklamo sa impeachment ay kailangang sumunod sa proseso alinsunod sa mga bagong patnubay ng desisyon ng Korte Suprema. Ibig sabihin, kailangang ipaalam sa inaakusahan kung ano ang mga paratang, at bibigyan siya ng pagkakataong sumagot,” pahayag ni House Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno.
“Sa tingin ko, ang ginawang desisyon ng Korte Suprema ay binawasan nito ang politikal na katangian ng impeachment at ginawa itong mas katulad ng isang prosesong hudisyal,” dagdag niya.
Ipinunto rin ni Puno ang pagkakaiba ng mga usaping may kinalaman sa Pangalawang Pangulo at sa Pangulo, at iginiit na magkaiba ang antas ng paghahanda o batayan ng mga ito, bagama’t binigyang-diin niyang ang magiging pasya ng partido ay dapat nakaangkla pa rin sa mga na-update na proseso.
“Ang kaso laban kay Pangalawang Pangulo Sara ay talagang masusing naimbestigahan na, sa Quad Comm [good government and public accountability], at malinaw na nailahad na noon ang mga tiyak na batayan sa reklamo. Samantalang ang laban kay Pangulong Marcos ay spekulatibo lamang, wala namang lumilitaw. Mayroon bang seryosong reklamo laban sa kanya? Parang wala,” sabi ni Puno.
“Kaya nang tanungin ako kung susuportahan ng NUP ang isang reklamong impeachment laban kay Pangulong Marcos, malinaw at tiyak ang sagot ko—hindi. Ngunit nang tanungin naman ako kung susuportahan o tututulan namin ang isang reklamong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo, sinabi ko na ito na ang ikalawang pagkakataon. Kaya nais kong makita ng aming partido ang reklamo, basahin ito, pag-aralang mabuti, at magpasya alinsunod sa mga bagong patakaran na itinakda ng Korte Suprema,” dagdag pa niya.
Dahil ang impeachment ay mas nagiging kahalintulad na ngayon ng proseso sa korte, sinabi ni Puno na ang mga mambabatas, lalo na ang mga nasa mayorya, ay kailangang lapitan ang anumang reklamo nang may pagpipigil, masusing pagsusuri, at pagtitiyaga, sa halip na magpadala sa presyur.
Ipinaliwanag ni Puno na sa dating sistema, mabilis na umuusad ang mga kasong impeachment kapag nakakalap na ng sapat na pirma, ngunit dahil sa desisyon ng Korte Suprema ay mas pinahigpit ang proseso, kaya’t hindi na ito madaling gawing usapin ng dami ng bilang.
“Ang nangyayari noon sa impeachment, pagdating sa Kongreso, pinag-mitinginan ng mahigit 130 na kongresista, at kalaunan ay umabot pa sa mga 200 ang pumirma, tapos diretso na iyon sa Senado. Umabot ang kasong iyon sa Korte Suprema, at ngayon ay nagtakda ang Korte Suprema ng mga karagdagang kondisyon sa proseso ng impeachment at sa interpretasyon kung alin ang nauna, alin ang pangalawa, at iba pa,” aniya.
Dahil sa mga dagdag na kondisyong ito, sinabi ni Puno na magiging mahirap na ngayon ang pagtatangkang pabilisin ang isang impeachment case patungo sa Senado sa pamamagitan lamang ng biglaang pagkalap ng mga pirma.
“Kaya ang sitwasyon natin ngayon sa impeachment, sa tingin ko, ang biglaang pag-akyat ng impeachment sa Senado gamit ang 130 boto ay mahirap nang gawin. Halos imposible na ito ngayon dahil sa mga bagong rekisito na itinakda ng Korte Suprema,” dagdag niya.

