Fuel

Krudo tataas ng P2/litro; gas P1/litro

Edd Reyes Jan 19, 2026
351 Views

INAASAHANG tataas ang blood pressure ng mga motorista dahil sa P2 kada litrong taas-presyo ng diesel, P1 sa gasolina at P1.50 sa kerosene simula alas-6:01 ng umaga ng Martes, Enero 20.

Ganito ang itataas ng mga petroleum products base sa abiso ng PTT Philippines, Total Philippines, Petro Gazz at Unioil Philippines simula sa nabanggit na oras.

Gaya ng dating kasunduan, alas-4:01 ng hapon ang simula ng price adjustment sa mga produktong petrolyo ng Clean Fuel.

Alas-6:01 rin ng umaga ng Martes ipapatupad ng Petron Corporation, Pilipinas Shell, Chevron Philippines, Seaoil at Flying V ang price increases.

Dahil sa paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan na dulot ng lumalalang tensiyon sa Iran ang ugat ng pagtaas ng mga produktong petrolyo, ayon kay PTT Philippines Media Relations Officer Jay Julian.