Calendar
Obrero binaril sa leeg, tigok; lola sugatan sa ligaw na bala
TODAS ang 50-anyos na obrero nang barilin ng tambay habang sugatan din ang 63-anyos na lola matapos tamaan ng ligaw na bala, Lunes ng hapon sa Valenzuela City.
Nasawi habang ginagamot sa Valenzuela Medical Center ang biktima na residente ng Barrio Bitik, Gen. T. De Leon, sanhi ng tama ng bala sa leeg.
Samantala, kaagad namang nalapatan ng lunas ang lolang si alyas “Gerlie” na nakatira sa Serrano Street, Barangay Marulas, na tinamaan ng bala sa kaliwang hita.
Naaresto naman sa follow-up operation ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang 47-anyos na suspek na si alyas “Danny” malapit sa kanyang tirahan sa Anak Dalita Compound, Brgy. Marulas.
Positibong kinilala ang suspek ng 33-anyos na lalaking factory worker na nakasaksi sa pamamaril.
Sa ulat ni Talento kay acting Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatayo sa tabi ng kanyang bisikleta ang biktima sa Serrano Street habang may kausap na dalawang lalaki dakong alas-2:30 ng hapon nang malapitang barilin ng suspek, gamit ang isang revolver, sa hindi pa batid na dahilan.
Tumagos ang bala sa leeg ng biktima at tumama sa matigas na bagay bago nahagip ang lolang si Girlie sa hita malapit sa tuhod.
Makaraan ang pamamaril, nagtatakbong tumakas ang suspek patungo sa Anak Dalita Compound kung saan siya nadakip ng pulisya.
