Suspek Kinilala ni Police Major Fredwin Sernio ang suspek sa bribery matapos matimbog sa Sta. Cruz, Manila. JONJON C. REYES

Bribery ikinahuli ng ex-traffic enforcer

Jon-jon Reyes Jan 20, 2026
233 Views

NATIMBOG ng mga operatiba ng Manila Police District-Sta. Cruz Police Station ang 35-anyos na lalaki na dating umanong traffic enforcer dahil sa kasong direct bribery sa A.H. Lacson Avenue corner Tayuman St., Sta. Cruz, Manila noong Lunes.

Nakilala ang suspek na si alyas Emmanuel, ayon sa report.

Nahuli ang suspek bandang alas-10:30 ng umaga sa pamumuno ni P/Maj. Fredwin Sernio, hepe ng Intelligence Section.

Bitbit ng mga operatiba ang arrest warrant na inisyu Judge Paul Ramil Attolba Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Nueva Vizcaya.

Nag-ugat ang kaso ng suspek dahil umano sa panghihingi ng P30,000 sa isang motorista noong August 2025 sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Dahil dito inireklamo ang mga suspek ng isang motorista matapos tumanggap ng P25,000 na lagay kapalit ng hindi pag-iisyu ng violation ticket at hindi pag-impound sa nasitang sasakyan.