Cabanatuan

Nagnakaw ng kambing, cable wires nasakote

Steve A. Gosuico Jan 25, 2026
217 Views

CABANATUAN CITY–Dalawang lalaki na pinaniniwalaang nagnakaw ng kambing na may halagang P8,000 at kable ng solar na may halagang P200,000 ang nahuli sa Pantabangan at Gapan City ng lalawigang ito noong Sabado, ayon kay Nueva Ecija police chief Col. Heryl Bruno.

Sa Pantabangan, humingi ng tulong ang dalawang biktima matapos manakaw ang kanilang kambing na nagkakahalaga ng P8,000 habang nakapastol sa bukid dakong alas-8:00 ng umaga.

Naaresto ang 32-anyos na suspek alas-12:50 ng tanghali at nabawi ang ninenok na kambing.

Sa Gapan City, nahuli sa Brgy. Macabaklay ang isa sa tatlong lalaking suspek na naaktuhan na nagpuputol ng mga kable ng kuryente na konektado sa mga solar panel sa loob ng bukid.

Nakumpiska mula sa naarestong suspek ang kabuuang 200 metrong haba ng copper wire na may halagang P200,000.

Ayon sa mga imbestigador, dalawa pang suspek na nakatakas sa hindi malamang direksyon ang tinutugis na ngayon.

Sinabi ng pulisya na nakatakdang sampahan ng magkahiwalay na kasong theft at robbery ang mga suspek.