Lunod Source: File photo

Bebot dumalo sa kasal; tumalon, nalunod sa pool

184 Views

NAUWI sa trahedya ang kasalang ginanap sa isang resort nang malunod ang bebot na kaanak ng ikinasal sa swimming pool sa Calamba, Laguna.

Naisugod pa ng kanyang ama sa JP Rizal Hospital ang babaeng biktima subalit idineklarang patay na sanhi ng pagkalunod.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Calamba City Police Station na dumalo ang dalaga, kasama ang kanyang buong pamilya, sa kasal ng kanyang tiyuhin na ginanap sa isang resort sa Barangay Bagong Kalsada noong Sabado ng hapon.

Matapos ang seremonya, nagkayayaan ang magkakapatid at magpipinsan na maligo sa swimming pool hanggang tawagin na sila dakong alas-7:04 ng gabi upang kumain ng hapunan.

Habang nasa hapag-kainan, napuna ng isang kaanak na wala ang biktima at nang kanyang balikan, nakita ang dalaga na nakalubog at walang malay sa ilalim ng tubig. Mabilis siyang iniahon at binigyan ng cardiopulmonary resuscitation o CPR ng ama bago isinugod sa pagamutan kung saan idineklarang patay. Nina EDD REYES & GIL AMAN